Investigating prosecutors binuo kontra carnapping syndicate

BUMUO na si Justice Secretary Leila de Lima ng investigating panel na magsisiyasat sa mga kaso ng carnapping at posibleng pakikipagsabwatan ng ilang pulis at prosecutor kung kaya’t nabasura ang mga nasabing kaso.

Ayon kay de Lima, isang department order ang kanyang ipalalabas kaugnay ng paglikha ng nasabing lupon na binubuo ng tatlong babaeng prosecutor mula sa DOJ.

Binigyan diin ni de Lima na pawang mga babaeng piskal ang kanyang pinili dahil bukod sa maayos magtrabaho ang mga babaeng prosecutor, pawang matatapang din sila.

Tututukan ng panel ang kaso ng mga miyembro ng Dominguez Carnapping Syndicate na madalas na napapalaya at nadidismis ang kaso.

Kasama ring iimbestigahan ang kaso ng mga suspected carnapper na kaduda-dudang nadismis din ang kaso bagamat ang mga ito umano ay nahuli sa entrapment operation.

Sinabi ni de Lima na aalamin ng panel ang posibleng pananagutan ng mga pulis at piskal na may hawak sa mga nasabing kaso.

Binigyan lamang ng kalihim ang panel ng tatlumpung araw para tapusin ang imbestigasyon. Teresa Tavares

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply