Ipinaputol Ko Ang Punong Kabalyero

ipinaputol ko ang punong kabalyero
isang taong singkad
mga pulang bulaklak
di naglagablab
di dinapuan
ni isa mang alitaptap
nanumbat lamang sa langit
nagsalabat na mga sanga
banayad na humalik
lamang sa lupa
mga dahong nangalanta.
ipinaputol ko ang punong kabalyero
parang katawan ni h. romero*
tuhod ay pinalakol at minaso
nilagari sa may baywang
hanggang tuluyang tumimbuwang
butuhang mga bisig
kumalas sa hugpungan
naagnas na laman
ikinumot sa damuhan
para damo’y magluntian
magbanyuhay yaring buhay!
ipinaputol ko na
punong kabalyero
sa masukal na likod-bahay
kailan puputulin
puno ng dusa’t hilahil?
kailan lalagariin
katawan ng pang-aalipin?
kailan tutupukin
sa lagablab ng apoy
nagsalabat na sanga
ng pagsasamantala
upang maitanghal
saya at ligaya
at layang singkislap
ng bilyong bituin
singbango ng hinog
na palay
sa bukid na ginintuan
singbulas, singputi
ng mga talahib
sa burol at kapatagan?
___________________________________________________
* h. romero o henry romero — aktibistang peryodista na nawala’t sukat noong naghahari sa bansa ang batas-militar at di na natagpuan, tulad ng maraming desaparecidos, ni isang buto ng kanyang bangkay. Rogelio Ordoñez

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply