Fetus natagpuan sa eroplano galing UAE

TILA nagiging tapunan ng fetus ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos na may isa pang nadiskubre fetus na iniwan ng ina nito ilang minuto matapos lumapag ang isang eroplano sa nasabing paliparan.

Dakong alas-diyes ng gabi ng Lunes nang gumulantang sa harapan ni Randy Odo, aircraft cleaner ng Etihad Airways flight EY 428, ang isang patay na lalaking fetus na binalutan ng napkin sa loob ng trash bin ng lavatory ng eroplano.

Galing sa Abu Dhabi, United Arab Emirates ang nagluwal sa naturang fetus.

Ayon kay Odo, habang siya ay naglilinis sa loob ng lavatory ay napaigtad siya nang makita ang ulo ng fetus. Agad umano niyang ipinagbigay-alam ang natagpuan sa kanyang superbisor.

Nalaman sa inisyal na pagsusuri ni Dr. Alexander Gumban ng MIAA Ramp Medical Clinic na ang fetus ay nasa pagitan umano ng limang hanggang anim na buwan.

Ang labi ay dinala sa Philippine National Police – Scene of the Crime Operatives para sa kaukulang disposisyon.

Kasabay nito, sinuri agad ng mga imbestigador ang lahat ng upuan sa loob ng eroplano upang mabatid kung may naiwang bakas ng dugo ang pasahero upang malaman ang kanyang pagkakilanlan.

Nuong Setyembre 10, 2010, isang bagong silang na sanggol na lalaki ang natagpuan din sa loob ng lavatory ng Gulf Air flight 154 galing Bahrain.

Nalaman ng mga imbestigador ang identity ng ina ng sanggol dahil sa dugong nakita sa kaniyang upuan. Nabuhay ang sanggol at pinangalanan itong George Francis.

Bukod sa dalawang fetus na nadiskubre sa magkaibang eroplano ay ilang beses na ring nakatagpo ang building attendants ng mga fetus na walang habag na itinapon sa may arrival area ng pambansang paliparan. Johnny F. Arasga

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply