Itaguyod ang plastic ban sa Muntinlupa

IPAPATUPAD simula Enero 18 sa Muntinlupa ang kauna-unahang panglunsod na pagbabawal sa plastic bag at styro sa Metro Manila.

Sa gitna ng pagtutol ng industriya ng plastik ay nanindigan si Mayor Aldrin San Pedro na pairalin ang City Ordinance 10-109 na akda ni Councilor Joselito Arevalo matapos ang isang taong palugit upang ang mga negosyante at mamimili ay makapaghanda at makasunod sa bagong patakaran.

Sa ilalim ng kautusang panglunsod ay ipinagbabawal ang paggamit ng plastic bag bilang pambalot ng mga tuyong paninda (dry goods) at gayundin sa mga basa (wet goods).  Ipinagbabawal din ang paggamit ng plastik na polystyrene na mas kilala sa tawag na styro bilang lalagyan ng pagkain at iba pang produkto.

Ang mga lalabag sa kautusan ay papatawan ng multang P500, P1,000 at P2,500 para sa una, pangalawa at pangatlong paglabag o pagkakakulong na hindi hihigit sa 6 na buwan ayon sa itatakda ng korte.  Maaring ipawalang bisa sa loob ng isang taon ang lisensya ng mga komersiyal na establisyamento na lalabag sa naturang kautusan.

Ang programang pangkalikasang ito ni Mayor San Pedro sa pamamagitan ng Environmental Sanitation Center ay naglalayong mabawasan ang mga kalat sa paligid, mapigilan ang polusyon at maiwasan ang pagbabara ng mga lagusan na humahadlang sa pag-agos ng tubig at pagbabaha.

Malaki ang nagagastos ng lunsod sa taunang pag-aalis ng bara (de-clogging) sa mga kanal, estero at ilog na noong 2009 ay pumalo sa 2.3 milyung piso.  Nobenta porsiyento sa mga tinanggal na bara ay pawang mga basurang plastik.

Ating maaalala na isa ang Muntinlupa sa hinagupit ng bagyong Ondoy noong Setyembre 2009.  Dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan ay umapaw ang Laguna de Bay at napilitang magsilikas ang mahigit 3,500 pamilya sa mga evacuation center.  Walo sa 9 na barangay ng Muntinlupa ay nasa paligid ng Laguna de Bay at apektado ng anumang pagtaas ng tubig sa lawa.

Sa pagpapatupad ng bagong kautusan ay umaasa ang pamahalaang lunsod na mababawasan at mapapanatiling malinis sa basura ang 11 ilog at 3 estero ng Muntinlupa na umaagos patungong Laguna de Bay.

Sa pagpapatupad rin ng City Ordinance 10-109 ay maipapalaganap ang mga luntiang gawi, gaya ng 3Rs (reduce, reuse, recycle), na totoong napapanahon sa gitna ng krisis sa basura at klima na ating nararanasan.

Isang kongkretong halimbawa ng luntiang gawi na itinataguyod ng bagong kautusan ang paggamit ng bayong at iba pang tipo ng reusable bag na gawa sa tela at lokal na materyales bilang pamalit sa mga plastic bag.

Mahalaga na mabigyan ng pagkakataon ang lunsod ng Muntinlupa na maipatupad at mapagtagumpayan ang luntiang adhikain ng City Ordinance 10-109 na mapangalagaan ang kalusugan at kalikasan alinsunod sa itinatakda ng Saligang Batas at ng Ecological Solid Waste Management Act.

Ang inaasam-asam na tagumpay ng Muntinlupa mula sa delubyong dulot ng walang patumanggang paggamit at pagtatapon ng mga plastic bag at styro ay masundan  nawa ng mga kahawig na kautusan at programa sa buong Metro Manila.

Salamat Muntinlupa at dalangin ko ang tagumpay ninyo.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply