Kagila-gilalas na Kwento

TILA sukul na sukol na ang AFP sa usapin ng responsibilidad nito sa pagpaslang sa kilalang botanist na si Dr. Leonardo Co at dalawa pa niyang kasamahan na nagsasaliksik sa  gubat ng Kananga, Leyte bilang bahagi ng proyekto ng Energy Development Corporation (EDC).

Kamakailan, inabswelto ang militar ng magkasamang Department of Justice (DOJ) at NBI panel na inatasang mag-imbestiga ni DOJ Secretary Leila de Lima sa posibleng responsibilidad nito sa pagkamatay ng tatlo.  Ayon sa report, namatay sila sa engkwentro sa pagitan ng NPA at AFP  na diumano’y nagsasagawa ng lehitimong operasyon laban sa NPA.

Pero malakas ang duda ng mga kamag-anak at kaibigan ni Co at ng mga scientists at  human rights advocates na gumawa ng sariling independent na imbestigasyon. Nanawagan silang ibasura ang  report ng DOJ-NBI panel kasabay ng paghahain ng sakdal ng pamilya ni Co  laban sa militar.

Kung babasahin ang report ng panel, marami itong  kamangha-manghang kongklusyon na maaring walang ibang layunin kundi i-whitewash ang kaso.

Una, sa usapin na namatay ang tatlo sa gitna ng engkwentro sa pagitan ng militar at NPA, walang pruweba ang militar sa sinasabi nilang engkwentro. Ang malinaw sa testimonya ng dalawang nakaligtas sa insidente ay militar na naka-uniporme ang tangi nilang nakitang armado sa lugar ng insidente.

Pangalawa, iginigiit ng militar na hindi galing sa 245 na balang pinakawalan nila ang fatal shots na pumatay sa tatlo, bagkus galing ito sa 6 na balang diumano’y pinakawalan ng NPA.  Taliwas ito sa pagigiit ng independent na imbestigasyon na nagsasabing ayon sa ebidensya, ang bulto ng tama ng bala ay galing sa isang direksyon mula sa itaas ng bundok kung saan nakapwesto ang militar.

Pangatlo, kongklusyon batay sa report ng kilalang forensic expert na si Dr. Raquel Fortun na galing sa mababang lugar ang balang pumatay sa tatlo. Mismong si Fortun ay di sumang-ayon sa kongklusyon ng militar at ng DOJ-NBI panel.

Pang-apat, hindi raw nag-match ang baril na sinurender ng militar at ang balang pumatay sa tatlo.  Di naman ito nakakapagtaka dahil kung may gusto kang itago, bakit mo ilalabas ang ebidensya? Sino ang makapagsasabi kung ‘yun ngang ibinigay na baril sa eksaminasyon ang talagang ginamit ng mga sundalo?

Dahil di makalusot sa gusot na pinasok, bumalik ang militar sa gasgas na argumento na ang mga maka-kaliwang grupo ang nanloloko sa pamilya ni Co para maniwalang militar ang may kagagawan sa insidente.

Kung gusto tayong papaniwalain ng militar, maglabas sila ng ebidensya. H’wag nang mag-story-telling a lie.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply