Kamatayan at buhay sa hanay ng nurses

INIULAT sa atin ang napakalungkot na balita ukol sa isang nurse na hindi makahanap ng trabaho.

Sa Urdaneta, Pangasinan, natagpuan ang bangkay ni Val Corpuz, 29, residente ng Brgy. Rosario sa bayan ng Pozorrubio na nakabitin sa isang pader.

Sarili niyang damit ang ginamit sa umano’y kanyang pagbibigti dahil sa kawalan nito ng mahanap na trabaho.

Nasa kanyang pag-iingat ang transcript of record mula sa pinasukan niyang kolehiyo.

Nag-aplay na rin umano sa Philippine Drug enforcement Agency ngunit wala pa siyang balita kung makukuha siyang empleyado o hindi.

Tsk! Tsk! Tsk! Nakalulungkot talaga ang kinahinatnan ng sa una’y napakaganda at napakatayog na mga pangarap para sa kanyang sarili, pamilya at bansa na rin.

oOo

Kaugnay nito, naalaala natin, mga Bro, ang matinding krisis na kinakaharap ng nakararaming nurse sa mahal kong Pinas.

Alam ba ninyong kahit magpasirko-sirko ang mga nurse sa public service, eh, dinidis-qualify pala ang mga ito sa ibang bansa?

Ang pangingibang bayan ang kanilang target dahil ginagawa silang patay-gutom sa loob ng bansa at wala silang nakikitang magandang kinabukasan kundi paghihirap at paghihirap at paghihirap hanggang sa mamamatay na lang sila na dilat ang mga mata sa hirap pa rin.

Lalo na ang mga ipinadadala sa mga barangay para lang maglingkod sa ating mga kababayan, lalo silang walang pag-asa na umangat.

Kasi naman, walang certification na galing sila sa mga sikat at mayayamang ospital na sure na pagbabatayan ng  pagkakatanggap nila sa trabaho.

Ang masama pa, mga Bro, nakasusuka ang practice ng maraming ospital na pinagbabayad ang mga pasadong nurse habang tinatanggap ang mga ito na manggagawa.

Idinadahilan ang training na makukuha ng mga nurse ang walang katapusang paniningil sa mga ito kahit pa pukpukan ang serbisyo ng mga ito.

Higit na masama, nagtatagal ang marami sa kanila  sa pagiging istambay at walang training dahil sobra-sobra naman ang dami nila sa tinatanggap ng mga ospital para mag-training at mag-serbisyo.

Nasasayang ang edukasyon ng mga mahal nating nurse at dapat sanang tumugon nang tama mismo ang pamahalaan sa kanilang kalagayan.

oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333. Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply