Kaya ba may mga Trillanes at Mendoza?

MULA nang bumalik ako sa pagiging pribadong abogado mula sa pagiging public servant marami ang lumalapit sa akin at nagtatanong tungkol sa mga problema sa retirement benefits.

Marami sa kanila ay mga sundalo at mga pulis na karamihan ay mababang rango lang at hindi nila ka-liga ang mga heneral.

Hindi malalaking halaga ang ipinaglalaban ng mga retiradong mga opisyal na ito, sapat lang sana para sa kanilang retirement at ang halaga ay talagang para sa kanila ayon sa batas at batay sa kanilang naging serbisyo sa bayan.

Ang daing nila sa akin ay napakahirap makuha ang kanilang retirement benefits. Taon na ang lumilipas at halos magmakaawa pa sila bago mapasakanila ang benepisyo na karapatan naman nila.

May isa pa nga akong nakausap na colonel na nagkaroon ng kaso pero napatunayan naman na inosente at malinis ang kanyang rekord pero napaso at napanis ang tseke ng kanyang retirement benefit kaya wala din siyang nakuha at umaasa na lang na sana balang araw ay mapasakamay din nya ang benepisyo na karapatan nya at pinaghirapan nya.

Kaya mas masakit para sa mga sundalo at mga pulis ang nangyayaring bulgaran ng korapsyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ang mga nabulgar na mga sistema ng “pabaon” at maging ang perang tinatamasa hindi lang mismo ng mga matataas na opisyal ng AFP kundi ng kanilang mga asawa at mga anak.

Samantalang ang mga maliliiit na halaga para sa retirement benefits ng mga sundalo, ng mga pulis, na mabababa ang rango ay halos ilakad pa nang paluhod bago makuha ng mga may karapatan sa benepisyo.

Ngayon alam na ng buong mundo ang noon pa ay alam na ng ilan, na ang pera ng mga sundalo at mga pulis na nagbuwis ng buhay para sa bayan ay napupunta lang sa ilan sa kanilang mga pinuno na mula at mula pa ay mas maganda na ang benepisyo kaysa sa kanila.

Kaya hindi na nakakapagtaka siguro na may mga tulad ni Trillanes at may mga followers sya na nag-aaklas laban sa pamahalaang pinangakuan nilang pagsilbihan at protektahan.

Sila na may mga alam at may gusto sanang ibulgar noon pa.  Kaya siguro may mga Rolando Mendoza na gumamit na nang dahas at nangdamay na ng mga inosenteng tao para lang mapansin ng gobyerno at ng bayan ang kanilang hinaing.

Matatandaang isa sa mga reklamo daw ni Mendoza ay ang pagkansela ng kanyang retirement benefits.

Mas masakit sa mga retiradong rank and file at mga junior officers ng AFP ang nangyayaring aminan ng kanilang mga opisyal.

Kung mapapatunayan na ang milyun-milyong pera ng AFP ay naipabaon na nga sa mga nagretirong opisyal, ang ibig sabihin ba ay wala nang pag-asa ang naghahabol pa ng kanilang retirement benefits?

Idadagdag ba na rason sa pagkaantala ng kanilang benepisyo ang alibi na naipabaon na kasi ang pera at wala nang laman ang kaban ng AFP?

Huwag naman.  Sa gitna nang iskandalo sa AFP, sana lang ay gumawa na ng dagliang paraan ang mga senador at mga congressman na burahin ang pangamba na wala nang pag-asa na makakuha ng benepisyo ang mga retiradong mga pulis at mga sundalo at tulungan na ang mga ito na makuha ang kanilang retirement benefits.

Mag- email po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon.
Atty. Ariel Enrile- Inton

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply