Kelot basag ang bungo sa iniwasang aso

BASAG ang bungo ng isang lalaki makaraang sumadsad ang sinasakyang motorsiklo nito at humampas ang ulo sa makina ng kasalubong na motorsiklo sa Caloocan City, Lunes ng madaling-araw.

Hindi na umabot nang buhay sa Valenzuela Gen. Hospital sanhi ng pagkabasag ng bungo si Ramonito Paradero, 31, ng 63 Malawinan St., Brgy. Lawang bato, Valenzuela City.

Kaagad namang sumuko si Nelson Baldoza, 23, ng #899 NPC Road, Brgy. 166, Kaybiga, Caloocan City sa North Station Traffic Enforcement Unit (NSTEU) ng Caloocan City Police.

Base sa inisyal na ulat ng STEU, dakong 5:45 ng umaga nang maganap ang aksidente sa kahabaan ng P. Jacinto st. kanto ng Pleasant Drive, Brgy. 166, Bagbaguin, Caloocan City.

Nabatid na mabilis na binabagtas ng biktima ang nasabing lugar sakay ng kanyang Honda TMX-155 (TM0 7713) nang iwasan ang isang tumatawid na aso, dahilan para sumadsad ang sinasakyan at humampas ang kanyang ulo sa kasalubong na SUZUKI-125 motorcycle (NU-4260).

Kaagad namang dinala sa nasabing pagamutan ang biktima subalit hindi na umabot nang buhay. Jun Samson

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply