Kontrata sa negosyante vs kontrata sa sambayanan

NARARAMDAMAN ba ni PNoy ang hirap at gutom ng mamamayan sa mga araw na ito?

Por syur, hinding-hindi. Bakit kanyo?

Tingnan na lang ninyo ang pagtataas ng toll sa mga superhaywey, pagmamahal ng mga produktong petrolyo, pagtataas ng pamasahe sa taksi, Metro Rail Transit, Light Railway Transit at marami pang iba.

Ang sagot sa lahat ng ito ng mga taga-Malakanyang ay magtiis daw si Juan.

Ano, magtiis?

Partikular sa mga imprastraktura gaya ng mga haywey, MRT, LRT at iba pa, sinasabi ng mga asungot ni PNoy na nirerespeto nito ang mga kontrata upang hindi lumayas at kumita na rin ang mga kontratista, negosyante at lokal.

Ganito rin ang maririnig mula sa bunganga ng mga tsuwariwap ni PNoy sa Department of Energy. Wala silang magagawa dahil may kontrata rin at naisabatas pa ito sa oil deregulation law.

Hahayaan ang mga kompanyang langis na magtaas ng malalaking halaga at bibihirang magbaba ng baryang halaga sa presyo ng langis para hindi sila lumayas at kumita na rin.

Dito natin naalaala ang kontrata ni PNoy sa sambayanan.

Kaya nga nanalo bilang bosing o Presidente ito dahil sa kontratang pulitikal.

Ang kontrata ay “The primary duty of the government is to serve and protect the people.”

Kaiba ito, Suki, sa kontrata sa negosyo.

Tanong: ngayong may conflict sa interest ng sambayanan at mga negosyante, kanino ba dapat yuyuko si PNoy?

Tanong: bakit nga ba tayo nagluklok ng isang malaking asendero na ni minsan ay hindi nakaranas ng gutom at paghihirap? Ito na ang napapala natin, Suki.

Bigyan natin si P-Noy ng benefit of doubt? Eh paano natin bibigyan ito kung ang mga pinapasok nitong kontrata sa mga negosyante ay magtatagal ng 30 taon o habambuhay, lagpas sa kanyang termino na anim na taon at habambuhay na pagkalam ng sikmura  ni Juan?

oOo

Sa palagay natin, Suki, nagsisimula nang lumamig ang hanimun  ni PNoy kay Juan.

Mainit ang romansa nilang dalawa sa anim na buwan pero ngayong lumilitaw ang tunay na kulay ni PNoy na pawang ang mga malalaki ang pinahahalagahan nito at pinagtitiis na lang si Juan, ewan natin kung saan patutungo ang lahat.

Yung “Kayo ang boss ko” ay mabilis nang nawawalan ng katuturan. Yung boss ay dapat na para sa milyon-milyong bumoto sa kanya bilang presidente at hindi ang mga negosyante na iilan at maari pa ngang hindi bumoto sa kanya dahil marami sa mga ito ang dayuhan.

Kung may naitulong man ang mga ito, maaaring malalaking pera bilang kontribusyon sa campaign funds nito, kung meron man.

Ngayon nga lang ay nagsimula nang magduda ang mga obispo kung saan patutungo ang pamahalaan. Hindi dahil sa tinitisod ito ng kanyang mga kalaban kundi dahil sa tila kawalan umano nito ng maliwanag na direksyon.

Kung may mga pagkakamali si PNoy sa kalalaban-bawi-doktor  ng kanyang mga executive order, mas malaki ang pagkakamali nito kung wala itong pakialam sa paghihirap at gutom ni Juan dahil sa problema sa mataas na pamasahe, presyo sa bilihin, toll, langis, etc. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply