Kuneho

ANG bilis ng panahon. Parang kailan lang ay abala ang mundo sa paghahanda sa pagbabago ng dekada mula 1999 patungong 2000.

Big deal ang pagpapalit ng dekadang iyon. Kung anu-anong mga ispekulasyon dahil magkakaproblema raw ang buong mundo dahil mababago ang mga settings ng mga computer. Kasi nga, imbes na “19” ang simula ng taon ay “20” na. Tinawag nating Y2K ang pangyayaring iyon.

Tapos, biglang tapos na ang sampung taon. Nakaisang dekada na ulit tayo mula 2000 at umpisa na ulit ng bagong taon.

Umpisa din ng bagong dekada. Suwerte nga raw ang unang araw ng taon kasi 1-11-11.

Sa swerte na nga lang ba kakapit ang Pinoy? Ayon sa nakaraang survey, siyam sa sampung Pinoy ang malaki ang pag-asa na magiging maganda ang buhay sa taong 2011.

Optimistic ang mga Pilipino. Gaya ng dati, maganda ang outlook ng marami sa ating mga kababayan.

Ganito naman talaga tayong mga Pilipino, punung-puno ng pag-asa, hindi madaling panghinaan ng loob.

Pero mahalaga pa rin na lingunin natin at ituring na aral ang mga nangyari sa nakalipas na dekada para kung mali ay huwag na maulit at kung tama ay mapagyaman pa.

Napakaraming nangyari sa nakalipas na 10 taon na dapat nating pagmuni-munihan. Ilan lang dito ay ang pag-angat ni Gloria Arroyo sa sobrang kapangyarihan.  Ang naging mga nakapanglulumong resulta ng mga nakaraang eleksyon na nagpasikat sa “Hello, Garci” tapes.

Ang pagkabulgar ng ilang mga nakakagulat na korapsyon sa gobyerno, gaya ng fertilizer scam at ng ZTE deal.  Ang pananalanta ng kambal na  si Pepeng at Ondoy. Ang masaker ng media sa Maguindanao. Ang pagkamatay ni Cory Aquino at ang pag-akyat sa kapangyarihan ng anak niyang si Noynoy.

Mas marami siguro tayong naalala sa mga kailan lang nangyari tulad ng hindi matapos-tapos na isyu ng hostage-taking fiasco sa Quirino Grandstand. At kailan lang ay ang pagbibigay ng amnestiya sa mga rebeldeng sundalo at ang pagpapalaya kay General Garcia na sumikat naman sa iskandalo na tinaguriang the “euro generals.”

Sa pagsisimula natin ngbagong taon at bagong dekada, sana dalhin natin ang aral ng mga nakalipas na sampung taon.

Huwag nating balewalain ang mga nangyari sa pag-iisip natin ng kung ano ang mga maaari pang mangyari.  Ang lahat ng aral na makukuha natin ay pwedeng mag-ahon sa atin.

Anim na taon pa tayo sa ilalim ng pamahalaang Aquino. Puno ng pag-asa ang bayan, pero makaahon kaya tayo o tulad pa rin ng dati na kahit ilang palit ang taon ay ganun pa rin, pag-asa lang ang umaangat, hindi ang ating kalagayan?

Pero suwerte pa rin si PNoy dahil ayon nga sa survey ay madali niyang mapamumunuan ng maayos ang bayan kung gugustuhin n’ya dahil handang sumunod ang Pinoy, handang bigyan ang Pangulo ng lahat ng kailangan nitong suporta, mataas ang tiwala sa kanya at buo ang pag-asa.

Sana lang ay huwag sayangin ng Pangulo ang pagkakataon. Para sa ating lahat, hindi masama ang umasa ng swerte at magkaroon ng pag-asa bukas.

MANIGONG BAGONG TAON SA LAHAT!

Mag- email po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa: ariel.inton@gmail.com.  Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon. Basahin ang buong artikulo sa www.remate.ph. Ariel Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply