Listahan ng mga players sa BOC

NAKAKUHA ako ng listahan ng mga “players” sa Port of Manila, Manila International Container Port (MICP), Port of Cebu at maging sa Subic port.

Ang mga players na ito ay binubuo ng 13 brokers at consignees at 57 mga indibiduwal na nagsisilbing mga kinatawan o may-ari ng iba’t ibang mga kumpanya na nabubuhay sa pamamagitan ng importation business.

Huwag na tayong magpaligoy-ligoy pa. Base sa aking source, ang listahan ng mga kumpanya at mga taong nasa likod nito ay mga sinasabing talamak na “smugglers” sa nabanggit na mga port.

Sila ang kabilang sa mga nang-gantso sa ating gobyerno ng may mahaba-habang panahon at iyan ay sa pamamagitan ng technical smuggling.

Dalawang bagay lang naman ang technical smuggling: Una ay “under valuation” ng kargamento para makakuha ng malaking discount sa babayaring buwis. Pangalawa ay  ang “misdeclaration” sa import entry permits hinggil sa kung anong totoong laman ng bawat container van.

Naghari ang mga hinayupak noong panahon ng nakaraang administrasyon ni dating Customs Commissioner Napoleon “Boy” Morales na hanggang ngayon ay mukhang takot pa rin kasuhan nitong kasalukuyang commissioner na si Lito Alvarez. Bakit nga ba, Commissioner Alvarez, marami bang alam itong si Morales tungkol sa kumpanya ninyo na naghahanap-buhay diyan sa loob ng Bureau of Customs?

Sa tantiya ng mga sources natin na lehitimong mga brokers, aabot mahigit sa daang-bilyon na halaga ng mga buwis ang nagantso ng mga tao at mga kumpanyang nasa listahan na ipinagkaloob sa atin.

Mantakin n’yo, ultimo pangalan ng isa sa mga malalaking electronic companies na narito sa ating bansa ay kabilang sa mga hinihinalang technical smugglers sa BoC.

Payo ng mga kaibigan natin diyan sa pantalan na iparating kay Finance Secretary Cesar Purisima ang nasabing listahan at udyukan ang kalihim na magsagawa ng imbestigasyon kasabay ng pagkakaroon ng POST ENTRY AUDIT sa mga kargamentong ipinarating ng mga nabibilang sa listahan mula noong 2006 hanggang nitong nakaraang 2010.

Anila, tiyak na maraming smugglers ang mabibingwit ng ating batas. ‘Yan  ay kung totoong seseryosohin ni Sec. Purisima ang bagay na ito.

Pero ang kaduda-duda ay kung kikilos nga ba talaga itong si Purisima dahil, ayon sa mga impormante natin, ay nakakaabot hanggang sa Department of Finance ang galamay ng sindikato ng smuggling na binubuo ng mga appointees ni dating Pangulong Gloria Arroyo.

Sa katunayan, isa sa mga miyembro nito – na isang babae na may hawak na sensitibong posisyon sa BoC —  ang pilit na gumapang patungo sa kampo ni Executive Secretary Paquito Ochoa para makapanatili siya sa puwesto niya na ubod ng lakas kumita pagdating sa gantsuhan ng buwis.

Halos mabura na daw ang balat sa siko’t tuhod ng hinayupak na madam ng BoC sa kagagapang niya kay Ochoa. Pasan din daw niya sa paggapang ang daan-daan milyong pisong kinita niya sa BoC.

oOo

Para sa mga security guards na may hinaing sa kani-kanilang mga agency tulad ng di-pagreremit ng buwanang hulog sa SSS at Pag-Ibig Fund, below minimum wage ang sahod, non-payment ng overtime at iba pa, magtungo lang kayo sa Security Agency Supervision Division (SASD) sa Camp Crame at doon n’yo ireklamo ang inyong mga palpak na security agency.

Tanging ang SASD lang ang may kapangyarihang mag-revoke o magbasura ng lisensiya ng sinumang agency na mapapatunayang nag-aaabuso sa karapatan ng mga kapatid nating security guards.

Puwede rin ireklamo sa tanggapang ito ang mga mapang-abusong security guards. Lalo na ‘yung may problema sa pag-uugali o dili kaya’y bastos.

Kung hindi man sila matatanggalan ng lisensiya ay tiyak na mapapatawan sila ng malaking halaga ng penalty.

Alam kaya ito ni Rep. Mikey Arroyo, ang kinatawan ng mga sekyu?

oOo

Tumbok na kung sino ang mga pulis-QC na sangkot sa bigong pagkidnap nitong nakaraang buwan  ng Disyembre sa kaibigan nating Indianong si James Kumar, presidente ng Khalsa Diwan Inc. – ang Indian Sikh Temple na matatagpuan sa UN Avenue, Maynila.

Araw na lang ang binibilang at tiyak na lalabas na ang warrant of arrest laban sa mga suspek. Pero sana’y malaman agad kung saan dinala —  buhay man o patay – ang dalawang kasamahan ni Kumar na sina Andy Bryan Ngie at Ferdinand “Pide” Sales na isinama sa pagtakas ng mga salarin matapos maganap ang nabigong krimen sa F. B. Harisson St., Pasay City —  ilang metro lang ang layo sa Pasay City police headquarters.

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply