Lito Motor kontrolado ang Q.C.; Eddie Boy Villanueva walang papel sa Pasay

MATINDI na pala talaga ang kamandag nitong si Lito Motor, ang sikat na pinansyer ng loteng  sa Quezon City.

Bukod sa naging “untouchable” na ang kanyang iligal na sugal sa balwarte ni QCPD director Chief Supt. Benjardi Mantele ay siya na rin mismo ang nahirang pagkatiwalaan na humawak at mamudmod ng intelihensiya para sa mga piling opisyal ng pulisya at lokal na pamahalaan ni QC Mayor Herbert “Bistek” Bautista.

Ibig sabihin, “centralized” na rin ang daloy ng intelihensiya sa QC. Karaniwan
nang ginagawa ito ngayon ng mga iligalista – pinansyer man o awtoridad – para maging kaunti na lang ang bilang ng mga taong kakausapin pagdating sa lagayan o “tong-pats.”

Tuloy-tuloy ang takbo ng pasugal nitong si Lito sa kabila ng mga pagbatikos ng media kaya’t naniniwala na ako ngayon na “inutil” o walang silbi ang pamamalakad nitong si Mantele bilang hepe ng QCPD.

Sabagay, kung ayos ang leadership ni Mantele ay hindi sana nasangkot ang mga pulis niya sa tangkang pagpatay sa Indianong si Manjinder “James” Kumar at sa isang pulis-Pasay nitong nakaraang buwan sa nasabing lungsod. Dalawang kasamahan din ng naturang Indiano ang dinukot din at natagpuang patay makaraan ng ilang araw.

Bukod sa loteng ni Lito sa QC ay naroon din at panatag na nakalatag ang mga
video karera machines nitong si Dakne na hinihinalang kasosyo ngayon ng dating VK king na si Eric Francisco na huminto pansamantala matapos makita ang pangalan niya sa isang TV news station.

Sa mga kailigalang nangyayari ngayon sa QC, puwede nang sibakin ni NCRPO chief General Nicanor Bartolome itong si Mantele.

Samantala, binabale-wala lang daw ni Mayor Bistek ang isyu tungkol sa
naglipanang mga butas ng illegal gambling sa loob ng kanyang lungsod.

Dalawang bagay lang naman ang dahilan kung bakit binabale-wala ni Mayor Bistek ang nasabing isyu. Una, maaaring nakikinabang siya sa mga illegal gambling lords. Pangalawa, maaaring sawa na siya sa ganitong usapin.

Pero, para sa inyo mga katoto, mukha bang mas kapani-paniwala ang una?

Hik, hik, hik!

* * * * * * * *
Nagsasanib-puwersa na daw ang mga gambling lords ngayon para lang makakuha ng puwesto sa Pasay City. ‘Yan ang pinaka-latest info na nasagap ko mula sa mga asset natin.

Isang grupo – na binubuo nina Danny “Kamote” Estanislao, Jun Malabon at Nancy – ang nagbabalak na makapaglatag ng bookies ng karera ng kabayo sa Pasay. Kausap at kasama na daw nila itong isang nagngangalang Eddie Boy Villanueva, na ubod ng lakas daw kay Pasay City Mayor Tony Calixto. Ganon?

Tiyak ko na hindi kilala ni Mayor Calixto itong si Eddie Boy Villanueva. Maaari pa siguro iyung isang Eddie Villanueva na ubod ng bait.

Malamang na mabokya lang ang grupo na ito dahil minsan nang sinabi ni Mayor Calixto na walang sinuman – lalo pa’t hindi taga-Pasay — ang puwedeng makapaglagay ng bookies sa nasabing lungsod.

Higit sa lahat, walang sinumang Eddie Boy Villanueva ang puwedeng manguna sa desisyong ito ni Mayor Calixto.

Si Danny Kamote at Jun Malabon ay dati nang kilala bilang mga bangka ng bookies sa Maynila at Malabon samantalang si Nancy naman ay kilala bilang dating maghuwe-jueteng at ngayo’y reyna na ng “Easy 2” sa Muntinlupa, Las Piñas, Parañaque, Pateros, at Taguig.

Samantala, sa susunod ay malalaman n’yo kung sino itong si Eddie Boy Villanueva at kung sino ang amo niya na hindi malayong paimbestigahan muli ng Palasyo ng Malakanyang dahil sa raket nitong palaro na ginagawa sa Port Irene sa Cagayan.

* * * * * * * *

Maraming estudyante sa Niog Elementary School sa Bacoor, Cavite ang nasisira ang ngipin habang tumatagal sa nasabing paaralan. ‘Yan ay kahit nagsisipilyo pa ang mga kawawang mag-aaral ng tatlong beses araw-araw.

Alam n’yo ba kung ano ang sanhi ng misteryong ito?

Kagagawan ito ng ilang mga guro sa nasabing eskuwelahan kung saan personal na raket ang iniintindi imbes ang pagtuturo sa mga estudyante.

Nagbebenta kasi ng mga kendi ang mga guro at sapilitang ibinebenta ang mga ito sa mga pobreng mag-aaral. Ang masama pa rito, mismong ang mga guro ang namumuhunan sa mga kending ibinebenta sa mga estudyante – sideline nila, ‘ika nga.

Hindi ba’t mahigpit na ipinagbabawal ng DepEd ang kendi sa mga paaralan batay sa rekomendasyon ng Department of Health?

Di na ko magtataka kung sa pagsapit ng graduation ay marami sa mga estudyante ng nasabing paaralan ang makikitang naka-pustiso!

* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.comat malugod ko kayong paglilingkuran!

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply