Lumuha ang langit sa pista ng Nazareno

HINDI napigil ng manaka-nakang pag-ulan ang milyun-milyong deboto ng Mahal na Poong Itim na Nazareno na tupdin ang kanilang panata na sumama sa prusisyon at makahawak sa lubid at sa imahe ng poon sa Maynila kahapon.

Dakong alas-nuwebe pa lamang ng umaga ay bumuhos na ang ulan sa paligid ng Simbahan ng Quiapo, kung saan nagsimula ang prusisyon ng Black Nazarene, at sa ilang bahagi ng Kamaynilaan.

Kahit nagpatuloy ang pag-ulan hanggang tanghali ay hindi ito inalintana ng mga debotong patuloy na sumali sa prusisyon para sa ika-404 taong pagdiriwang ng pista ng Mahal na Nazareno.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang pag-ulan na naranasan sa Manila partikular sa Quiapo Church at ilang bahagi ng lugar na dinaanan ng prusisyon ng Itim na Nazareno ay bahagi ng hanging amihan o ang northeast monsoon.

Dakong ika-7:30 ng umaga nagsimula ang prusisyon mula Quirino Grandstand matapos ang isang banal na misa na pinamunuan ni Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales sa Quirino Grandstand.

Sa pagtaya ng pulisya, mas maraming deboto ang lumahok sa prusisyon ngayong taon dahil natapat ito sa araw ng Linggo.

Hindi naman maiwasan na magkaroon ng mga taong nasaktan at nasugatan. Mayroon ding nahimatay at inatake ng alta presyon dahil na rin sa dami ng debotong dumalo sa nasabing selebrasyon.

Batay sa ulat ng Philippine Red Cross (PRC), hanggang alas-dos ng hapon ay umaabot na sa 409 deboto ang kanilang natulungan.
Karamihan sa mga ito ay dumanas ng minor injuries na karamihan ay sugat sa paa dahil sa paglalakad ng mga ito ng nakayapak. Mayroon ding sumakit ang tiyan, ulo at likod, nahilo, nahirapan sa paghinga, napilayan at mayroon ding napaso.

Batay naman sa monitoring ng Manila Police District (MPD) may 30 deboto na ang naisugod sa iba’t ibang pagamutan dahil sa mga tinamong pinsala at karamdaman.

Kabilang dito ang 19 na isinugod sa Ospital ng Maynila, 5 sa Philippine General Hospital, 4 sa Ospital ng Sampaloc, at 2 sa Gat Andres Bonifacio Hospital .

Isa sa mga malubhang nasugatan dahil sa prusisyon ay isang walong taong gulang na batang lalaki na natuli ng wala sa oras matapos na maipit sa zipper ng kaniyang pantalon ang kaniyang ari.

Batay sa ulat, nasa Quirino Grandstand umano ang bata at hinihintay ang prusisyon nang makaramdam ito ng tawag ng kalikasan.

Nang magsimula ang prusisyon habang siya’y umiihi, dali-dali nitong isinara ang zipper ng kanyang pantalon, dahilan upang maipit ang kanyang ari.

Isinugod ang biktima sa Ospital ng Maynila, kung saan tuluyan na itong tinuli bago tuluyang pinayagang makauwi.

Malubha ring nasugatan ang isang umano’y mandurukot matapos na bugbugin ng mga deboto nang ituro siya umanong kumuha sa wallet ng isang ginang na kasama sa prusisyon sa kanto ng P. Burgos Avenue panulukan ng Ma. Orosa Street sa Ermita.

Isinugod din ang hindi na pinangalanang lalaki sa Ospital ng Maynila upang malunasan.

Tulad ng nakaugalian ay hindi lamang ang ordinaryong tao ang nakikiisa sa prusisyon kundi maging ang mga kilalang pulitiko at mga dayuhang turista tulad nina dating Bise Presidente Noli de Castro na taun-taong dumadalo sa prusisyon, habang nanalangin naman sa Simbahan ng Quiapo si Parañaque Rep. Roilo Golez.

Nakiisa rin sa nasabing prusisyon ang ilan turista at dayuhan kung saan hindi alintana ang pakikipagsiksikan para lamang makalapit sa imahe ng Poong Nazareno. Jocelyn Tabangcura-Domenden/Santi Celario

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply