Magarbong graduation, inalmahan

LABIS na tinutulan ng mga magulang ng mga magtatapos na estudyante sa College of Nursing and School of Midwifery sa Pamantasan ng Lungsod ng Pasay ang napakataas na halaga ng budget na sisingilin sa gaganaping pagtatapos ng mga estudyante para  sa taong 2011.

Ayon sa mga nagrereklamong mga magulang, umaasa sila na hindi sila gugugol ng malaki sa pag-aaral ng kanilang anak sa naturang pamantasan dahil pinatatakbo ito ng lokal na pamahalaan subalit nagulat sila sa ipinadalang  “unofficial budget plan” ng Dean ng College of Nursing and School of Midwifery  para sa mga magtatapos na estudyante  sa kursong Nursing at Midwifery sanhi ng napakataas na halaga na kanilang pagpipilian sa pagtatapos ng kanilang anak.

Bagama’t dalawa ang binalangkas na plano para pagpilian ng mga magtatapos na estudyante, wala aniya silang mapagpipilian na makakatipid sa gastusin dahil parehong napakataas ang halaga na kanilang babayaran.

Sa unang pagpipilian, sisingilin ng halagang P7,403.00 ang bawat estudyante kapag napagkaisahan na ganapin ang kanilang pagtatapos sa SMX Convention Center sa Mall of Asia, maliban pa rito ang P5,000 na halaga ng college ring.

Ikalawa namang pagpipilian ang pagbabayad ng halagang P9,658, maliban pa ang college ring sa oras na mapagkaisahan na ganapin ang pagtatapos sa Manila Hotel kung saan puwedeng magsama ng dalawang guardian ang bawa’t magtatapos.

Bagama’t nakasaad sa ipinamahaging kalatas na maaari ring magkaroon ng pagbabago sa binalangkas na budget na ibabayad ng mga magulang ng mga magtatapos na estudyante, nangangamba ang mga nagrereklamong magulang na hindi na rin mababawasan pa ang napakataas na halaga na ilalaan sa gaganaping graduation.

Nagtataka rin ang mga nagrereklamong mga magulang kung bakit kinakailangan pang ganapin sa ibang lugar na kinakailangang maglaan ng malaking bayarin ang pagtatapos ng mga estudyante gayung puwede naman itong ganapin sa naturang pamantasan tulad ng mga nakaraang taon.

Bagama’t totoo anila na minsan lamang mangyari sa mga estudyante na maging makasaysayan ang kanilang pagtatapos, maaari rin namang makabuluhan ito at hindi pa masakit sa bulsa kung sa mismong pamantasan na lamang ito isasagawa.

Handa rin ang mga magulang na humarap kay Mayor Antonino Calixto upang ipabatid ang magastos na pagtatapos ng mga estudyante upang hilingin na gawin na lamang itong simple subalit makabuluhan lalu na kung ang mismong alkalde ang dadalo sa pagtatapos. Johnny F. Arasga)

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply