May tiwala ka ba kay Sixto?

HINDI pa nagtatagal mula nang inanunsyo ng Malakanyang ang pagkapili kay Atty. Sixto Brillantes na bagong Commission on Elections Chairman, katakot-takot na batikos agad ang tinanggap ng abogado mula sa mga taong walang tiwala sa kanyang kakayahan para maging tapat at patas na COMELEC head.

Kung abogado ka, katulad ko, alam mo rin siguro ang kalibre ni Sixto Brillantes at kung gaano kahusay at ka-impluwensyang election lawyer sya. Iilan lang ang mga kagaya nya na pinipilahan ng mga pulitiko ang serbisyo lalo na pag eleksyon.

Ang sabi ng ilan, “brilliant” choice daw ni Pangulong Aquino si Brillantes para mamuno sa COMELEC. Mahigit na dalawampung taon na election lawyer, alam ni Sixto ang pasikot-sikot ng batas tungkol sa halalan at, marahil, maging ang mga proseso ng dayaan.

Maraming naging sikat na kliyente si Atty. Sixto Brillantes, at marami din siyang sikat na nakalaban, dahil naging abogado sya ng kabilang panig at kalaban ng kabila, ng mga higanteng pangalan sa pulitika at sa gobyerno. Isa nga sa naging kalaban nya ay si Senator Alan Peter Cayetano na hindi nangingiming sabihin na wala syang tiwala kay Sixto para maging patas, o impartial, na COMELEC head.

Sa maraming taon na election lawyer si Atty. Brillantes, marami na nga naman syang nahawakan na kaso tungkol sa eleksyon na siya ang kalabang panig.  At ang mga nakabangga nya ang nagsasabi na hindi sya maaring pagkatiwalaan.

Si Atty. Brillantes mismo ang nagsabi na sa dami nyang nakalaban sa korte tungkol sa mga kaso sa eleksyon, natural lang na marami ang hindi pabor sa kanyang pagkaka-appoint bilang COMELEC Chairman, at inamin pa nya na sensitive daw kasi ang posisyon na ito.  Nakita naman ni Sixto ang pagiging sensitibo ng pinasok nya, bakit kaya nya tinanggap.

Sabi nya, ang bayan naman ang gusto nyang paglingkuran at titigil na daw sya sa pagiging pribadong eleksyon lawyer.  Pero paano mapapaniwala ni Sixto ang bayan gayong kabi-kabila nga ang nagsasabi na mahirap na maging impartial si Brillantes.  Paano nya makukumbinsi ang kanyang naging mga katunggali na hindi nya papanigan ang kanyang naging dating mga kliyente.

Madaling sabihin na nag withdraw na siya sa mga kaso nya pero bilang COMELEC Chairman, malaki ang kanyang magiging impluwensya.  Pwede din daw na mag-inhibit si Brillantes kung dati nyang naging kliyente ang magkakaroon ng isyu sa COMELEC pero sa dami nga ng naging kliyente nya baka wala na syang gawin kundi mag-inhibit na lang.

Ang punto ko, hindi porke magaling na election lawyer si Sixto ay magiging magaling na COMELEC Chairman sya.  Halos wala na ngang tiwala ang tao sa COMELEC dahil sa mga iskandalo sa Komisyon, nilagyan pa ng bagong pinuno na kinukwesyon din sa aspeto ng “tiwala.”
Napakalaki ng hamon ng bayan kay Sixto Brillantes. Na hindi nya gagamitin ang kanyang impluwensya para paboran ang dating naging mga kliyente, na magiging patas sya sa mga kaso ng pulitiko at magpakitang gilas sya sa una nyang pwesto sa gobyerno bilang public servant. Higit sa lahat, ang hamon ay kung maibabalik ni Atty. Sixto Brillantes ang tiwala ng taongbayan sa COMELEC.

Mag-text po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa 09215186724. O kaya ay email sa: ariel.inton@gmail.com.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply