Mister na sinasabing nasunog sa SUV, nakita na

NATAGPUAN na ang lalaking unang napaulat na nasunog sa nagliyab na sport utility van sa Caloocan City matapos makita sa isang ospital sa La Union.

Ayon kay Senior Supt. Jude Santos, hepe ng Caloocan City Police, nakita na nila si Levi Dulay, 45, na nasa ospital ng Lorna Medical Center sa Carlatan, La Union.

Nabatid na sinabi ni Dulay sa mga imbestigador na kasama niya ang kanyang kaibigan na si Gildo Chua nang dukutin ng hindi pa nakikilalang suspek noong January 15, 2011.

Pinalo umano siya ng baril sa ulo na naging dahilan upang mawalan ng malay at nang magising ay nasa isang safehouse na subalit wala na si Chua.

Ilang araw pa umano ang lumipas nang ilabas siya sa safe house na nakapiring ang mata at may tali sa kamay at paa hanggang sa ihagis siya palabas ng sasakyan.

Binuhusan pa umano siya ng gasoline subalit bago masindihan ay isang tricycle ang dumating na naging dahilan upang magsitakas ang mga suspek at madala siya sa nasabing ospital.

Magugunita na noong January 16, 2011, dakong 1:55 ng madaling-araw nang makitang nagliliyab ang Mitsubishi Adventure (WLV-586) na pag-aari ni Dulay sa C-3 rd., Caloocan City.

Nang mapatay ang apoy ay isang sunog na bangkay ang nakita kung saan kinahapunan ay nagpunta sa presinto ang asawa ni Dulay na si Ana Marie at sinabi na ang asawa niya ang biktima.

January 20, 2011, nagsadya naman sa presinto ang mga kaanak ni Chua at sinasabing ang kanilang kaanak  ang nasunog na bangkay na naging dahilan upang sumailalim sa pagsusuri ang bangkay hanggang sa lumalabas na si Chua nga ito.

Isang impormasyon ang natanggap ng mga pulis na nakita si Dulay sa La Union na naging dahilan upang puntahan at matagpuan habang binabantayan ng asawa.

Inaalam na ng mga pulis kung totoo ang sinasabi ni Dulay. Rene Manahan/ Roger Panizal

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply