Nag-iingay na, naglalaway pa ang mga pulitiko sa Chacha

NGAYON pa lamang ay naglalaway na ang mga pulitiko sa pagretoke sa 1987 Konstitusyon sa pamamagitan ng Charter Change o Chacha.

Kung bakit, eh, silang mga pulitiko lamang ang nakaaalam. Op kors, may eksyus ang mga namumula ang hasang na pro-Chacha.

Wala ni sinoman umano ang makikinabang sa Chacha dahil puro ukol sa ekonomiya umano ang pag-uusapan.

Luma na, hindi na akma sa kasalukuyang panahon ang mga itinatadhana ng Konstitusyon ukol sa nagaganap sa ekonomiya, sabi.

Walang halong pulitika ang Chacha kaya hindi ito pakikinabangang ng mga pulitiko, pagpipilit ng mga Chachero.

At kung meron man, hindi pupuwedeng makinabang ang lahat ng mga
nakaupo umano ngayon.

Ganun?

O, Suki, nakikita ba ninyo ang nakikita ni Juan?

Sa galing ba namang dumoktor ng batas ang mga diyaskeng ito, walang imposible.

Kung hindi kaya ng mga doktor na bumuhay ng napugotan ng ulo, kaya ng mga doktor na ito ang bumuhay kahit pa ang tsinaptsap ng Konstitusyon.

oOo

KAILAN ba matatapos ang panunungkulan ni PNoy?

Nagtatanong tayo dahil makaraang mag-spits si P-Noy sa nakaraang miting ng mga mayor ng mga lungsod sa bansa, biglang parang naging palaka ang mga pulitiko ukol sa Chacha.

Parang binagsakan ng ulan ng La Niña ang mga ito at panay ang ingay nila para sa pagdoktor sa Saligang Batas.

Lalo’t sinabi ni PNoy na hindi na siya muling tatakbo kahit sa anomang posisyon makaraan siyang manungkulan sa 2016.

Sabi ng mga Chachero, ngayon umano masarap isalang sa pablik debeyt ang Chacha.

Ang mga palaka ay unti-unti o kaya’y mabilis na nag-aanyong asong ulol na naglalaway na sa Chacha.

Magtatanong mulit tayo: bakit?

oOo

Habang tumatalsik ang laway ng mga ito para sa Chacha, naalala nating ni salita ay di naringgan ang mga ito ukol sa mga problema ni Juan.

Ni ho ni ha ay wala tayong narinig mula sa kanilang madaldal na bibig sa nagtataasang toll at pamasahe, nagmamahalang langis, tubig, kuryente, bigas at iba pang pagkain, nagbababaang sahod at kita ng 36 milyong obrero, milyon-milyong mamamayan na lumalayas sa repablik ni Juan para lang hindi sila magutom at pananalasa ng mga dayuhan sa mgalikas nating yaman.

Kasalukuyan ding sinasalanta ng ngitngit ng kalikasan, ng ulan, baha at lanislayd, ang milyon-milyong katao magmula sa Kabikulan hanggang sa Kabisayaan at Kamindanaoan ngunit nananatiling nakasiper ang kanilang mga bibig at lalong wala ni isang daliri silang iniaangat para tumulong sa mga biktima.

At ngayon nga ay maiingay pa sila sa mga palaka sa pagtatalak ukol sa Chacha at naglalaway pa rito.

Katwiran nila mas luma pa sa bakya ni Neneng ang Konstitusyon kaya nagkakandaletse-letse ang buhay ni Juan.

Kayong mga pulitiko talaga, hindi kaya kayo peste sa buhay ni Juan? Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply