National Press Club umalma kay Lacierda

DAPAT tumigil sa karereklamo ang mga opisyal ng gobyerno tungkol sa paraan ng pagre-report at pagsusulat ng opinyon ng mga mamamahayag.

Sinabi kahapon ni National Press Club President Jerry Yap na dapat na alam ito ni Spokesman Edwin Lacierda dahil isa siyang abogado.

Dapat din umanong alam niya na ang isang press statement o press release na makapagbibigay ng takot sa mga mamamahayag ay labag sa Konstitusyon.

Gayunman, sinabi ni Yap na may karapatan si Lacierda na sabihin o gawin ang kanyang gusto basta wala siyang ginawa o sinabing hahadlang sa kalayaan ng pamamahayag.
Gayundin, dapat umanong bigyang diin ni Lacierda na ang kanyang sinabi ay personal niyang opinyon.

Ani Yap, eksklusibo sa mga editor, reporter at broadcaster ang presentasyon at istilo ng bawat balita o opinyon.

Dahil dito, hiniling ng National Press Club na linawin ni Lacierda ang sinabi nitong sini-sensationalize ng media ang mga balita hinggil sa mga pagsabog ng bomba.

Gusto rin ng NPC na linawin ng kalihim kung ang kanyang mga sinabi ay personal niyang pananaw o  official stand ng Malacañang.

Ani Yap, kung ito at official stand ng Aquino administration, isa umano itong banta sa mga mamamahayag.

Laban umano ito sa principle of transparency na sinasabi ni PNoy noong kumakandidato pa lang siya.

Gayundin, ang trabaho umano ni Lacierda ay sabihin sa mga mamamahayag at sa publiko ang mga bagay na opisyal at hindi sabihin kung ano ang personal niyang nararamdaman.

Ani Yap, para na ring binalewala ni Lacierda ang tulong ng media kay PNoy, lalo pa ngayong kamamatay pa lang ni Palawan radioman Dr. Gerry Ortega, ang ikalimang mamamahayag na pinatay sa ilalim ng Aquino administration.

Iginiit pa ni Yap na ginagawa lang ng media ang kanilang tungkulin na magreport ng balita habang nangyayari ang insidente. –  Nenet Villafania

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply