Natural birth control

LAGING sinasabi ng Simbahang Katolika na natural na paraan lamang ng pagpaplano ng pamilya ang pinahihintulutan ng Diyos at ang hindi natural ay mapagpalaglag (abortifacient).

Pero merong “natural” na paraan ng pagkontrol ng populasyon na siguradong tataasan ng kilay ng mga Katolikong obispo: ang kabaklaan.

Opo, mga ginoo at ginang, may mga mananaliksik at siyentista na naniniwalang ang pagkakaroon ng bakla – o tomboy – sa mundo e may disenyo at hindi basta lamang nangyayari.

May nabasa akong artikulo tungkol dito at medyo kumbinsing ang sinasabi ng baklang nagsulat, parang gusto ko nang maniwala.

Sabi sa artikulo, may mga naniniwala – at hindi sila nagpapatawa – na ang kabaklaan (o katomboyan) ay paraan ng Inang Kalikasan para sagipin ang sangkatauhan sa sobrang pagdami. Ganito rin daw ang lagay sa kaharian ng mga hayop. (May mga bakla at tomboy ding hayop, kung hindi ninyo naitatanong.)

Isipin mo nga naman, kung walang bakla at tomboy at lahat ay mag-aanak, mas marami pa sigurado ang tao sa mundo kesa ngayon. At dahil maraming tao at hindi naman dumarami ang pagkain, maraming magugutom at mamatay kalaunan hanggang maubos na ang lahat ng tao o magkaletse-letse ang buhay sa mundo.

Matagal ko nang sinasabi sa espasyong ito na utang natin sa mga bading ang pag-unlad ng ating wika at kultura. Ngayon, heto ang isa pang kontribusyon nila – ang natural family planning, sa ayaw natin at sa gusto.

Marami nang sumubok na ipaliwanag na ang pagiging bading at lesbiyana e hindi abnormalidad pero hanggang ngayon e pinagtatalunan pa rin ito. May mga pag-aaral kasing nagsasabing impluwensya ito ng kapaligiran at hindi “natural,” kaya “nagagamot” ang kabaklaan at katomboyan, anila.

Hindi pa rin masungkit-sungkit ng mga siyentista ang tinatawag na “gay gene” na nagdidikta sa isang tao kung magiging “tuwid” ba siya o bakla, tomboy o bisexual sa pagsulpot niya sa mundong ibabaw. Kaya wala pa ring hatol kung nasa genes nga ba ang pagiging badingerzee.

Ngayon na lamang din unti-unting tinatanggap ng lipunan na may mga taong hindi talaga “straight” kahit ano ang gawin.

Nasubukan na ang lahat ng paraan para pigilin ang pagdami ng tao sa mundo. Sa China, halimbawa, ipinatutupad pa rin ang “one-child” policy na ikinadidismaya ng maraming pamilya at nagreresulta ng maramihang pagpatay sa mga babaing sanggol.

Bakit hindi subukang engganyuhin ang kalalakihan natin na maging bading? Kung “nagagamot” ang pagiging bading at tomboy, baka pwede ring “himukin” na maging bading ’yung mga hindi bading?

Anong malay natin, baka ito ang solusyon para hindi tayo sumobra sa dami at maging maligaya na tayo habambuhay?

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply