Nawawalang cellphone load tutuldukan na

NAKATAKDANG amiyendahan ng Senado ang karta ng National Telecommunications Commission (NTC) upang mabigyan ng mas matalim na pangil ang ahensiya laban sa pang-aabuso ng telecom companies na “kumakain” ng cellphone load.

Ito ang inihayag Lunes ng hapon ni Senate President Juan Ponce Enrile sa kanyang pagdalo sa ginanap na Kapihan sa Diamond Hotel matapos makatanggap ng maraming reklamo hinggil sa “pagnanakaw” ng load nitong nakaraang Kapaskuhan.

Ayon kay Enrile, bibigyan ng prayoridad ng Senado ang pagbabago sa karta ng NTC upang tuluyan nang wakasan ang pang-aabuso ng mga telecom companies hinggil sa nawawalang load, drop calls at iba pang problema sa paggamit ng cellular phones.

Nitong nakaraang Kapaskuhan, sunod-sunod na reklamo ang natanggap ng kanyang tanggapan hinggil sa talamak na pagnanakaw o pagkaubos ng cellphone load kahit hindi ginagamit at hindi makapasok ang maraming subscriber sa promotional products ng telecommunications companies.

Sa kasalukuyan,  walang magawa ang NTC hinggil sa reklamo tatlong dambuhalang cellular phone companies partikular ang Smart, Globe at Digitel, may hawak ng Sun,  sa pang-aabuso ng mga subscriber nito.

Hangad din ni Enrile na mabigyan ng mabigat na parusa ang mga abusadong telecommunication companies na nagnanakaw ng mga load ng mga subscriber nito na pangkaraniwang ginagamit ng ordinaryong mamamayan.  Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply