Nawa’y makabangon ka agad, St. Bernard

NOONG last term ko bilang Majority Floor Leader ng Quezon City Council ay nagpasa kami ng resolution na nagbibigay ng P10 milyon sa local  government unit (LGU) na nasalanta ng landslides noon, may ilang taon na rin ang nakakalipas.

Pero iniba pa ng dating Mayor Sonny Belmonte, na Speaker ngayon ng House of Representatives, ang ginawa sa donasyon na pera ng QC.  Imbes na basta na lang i-donate ang pera, matapos konsultahin ang kanyang Konseho, ginamit ang pera para makapagpatayo ng two-storey school building para sa nabiktimang bayan ng St. Bernard, Southern Leyte.

Kasama si Mayor Sonny, Vice Mayor noon at Mayor na ngayon na si Herbert Bautista, at iba pang mga Councilors, nang i-turn over namin ang school building sa tuwang-tuwa na mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng St. Bernard municipality.

Malagim ang karanasan ng St. Bernard noong landslide ng taong 2006. Halos 1,100 ang namatay na nailibing ng buhay ng mga killer landslides.  Ngayon, nasa balita na naman ang St. Bernard dahil marami na naman ang namatay dahil sa mga pagbaha at landslides.

Nakakaawa ang mga taga St. Bernard, ang ilan sa kanila ay hindi pa halos nalilimutan ang lagim ng trahedya ilang taon na ang nakakaraan ay heto na naman, parehong trahedya. Ang apila ng mga tao doon ay sana, kung pwede lang, pera na lang ang ibigay ng mga nais tumulong dahil puro sardinas at noodles at mga lumang damit halos lahat ng dumadating sa kanila mula sa mga may malalaking puso na
nagmamalasakit.

Dahil sa apila nilang ito, naisip ko na tama lang ang desisyon namin noon na school building ang ibigay sa LGU ng St. Bernard. Nagamit ang tulong ng LGU ng QC para sa edukasyon ng mga taga St.Bernard at sa mga panahon na tulad ngayon, nagagamit para paglikasan ng mga tao, pangsamantalang rescue centers at relief operations and evacuation areas.

Tama at naging napakagaling ang desisyon ng LGU ng QC! Naalala ko, may mga pumuna pa sa amin noon na mga taga-QC mismo na bakit daw namimigay pa ang lungsod sa ibang LGU samantalang marami pa rin namang mahihirap sa QC.

Pero hindi naman pinababayaan ng lokal na pamahalaan ang mga mahihirap sa lungsod ng Quezon, mula noon at ng hanggang ngayong administrasyon.

Ipinakita lang namin na bilang isa sa mga mapapalad na mas may perang mga bayan ay handa ang QC na tumulong sa mga nasalanta nating mga kababayan.

Grabe naman kasi talaga ang nangyari sa St. Bernard. Sa totoo lang, marami ang naging inspirasyon ang QC LGU sa ginawa namin na yun. Marami ang gumaya at ginawang ehemplo ang QC.

Malaki talaga ang magagawa ng pagtutulungan.  Halimbawa ay pwede na iisang tabi ang pulitika at magkapit-bisig ang mga LGUs kung ang pakay ay makatulong sa mga higit na nangangailangan. Bayanihan at hindi kanya-kanya.

Sabi nga ng mga konsehal ng QC noon nang ipasa namin ang resolusyon – We are QC public officials, but foremost we are Filipinos.

Ipagdasal po natin ang mga biktima at mga nasalanta ng landslide sa St. Bernard.  Malungkot na naman sila doon dahil sa panibagong hagupit ng kalikasan.

Sana ay makaahon sila nang mas madali mula sa malagim na pagsubok na ito at sana ay marami ulit tumulong para sa  kanilang dagliang pagbangon.

Mag- email po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon.  Ariel Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply