‘Ngusuan’ sa Eton residences tragedy, tutuldukan ng Senado

TUTULDUKAN na ng Senado ang pagtuturuan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na may tungkulin sa pagpapatupad ng occupational and health safety sa pagawaan tulad nang pagkamatay ng 10 obrero sa Eton Residences kamakailan sa Makati.

Ayon kay Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., dapat nang magkaroon ng positibo at malinaw na pangangalaga sa manggagawa sa buong bansa sa pamamagitan ng pagtatakda ng isang ahensiyang tututok sa pagpapatupad ng patakaran sa kaligtasan sa paggawa.

Inihalimbawa ni Revilla ang aksidenteng naganap sa itinatayong Eton Residences sa Makati na ikinamatay ng 10 manggagawa nang bumigay ang tinutuntungan nilang gondola mula ika-28 palapag ng gusali.

Dahil dito, inihain ni Revilla ang Senate Bill No. 2541 na naglalayong ayusin ang pangangasiwa at pagpapatupad sa lahat ng batas na may kaugnayan sa occupational safety at proteksiyon ng manggagawa laban sa anumang ecological at health hazards habang nagtatrabaho.

Sa ilalim ng panukala, itatakda ang Department of Labor and Employment (DoLE) bilang pangunahing ahensiyang makikipag-ugnayan at magmo-monitor sa aktibidad ng lahat ng ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa implementasyon ng batas hinggil  sa occupational safety and health.

Hinggil naman sa environmental protection sa pagawaan, inaatasan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na punong ahensitya na mangangasiwa rito.

Magsisilbing support agency naman ang Department of Health (DOH) na magbabalangkas ng mga polisiya, alintuntunin at programa sa sanitasyon. Ernie Reyes

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply