Oliver’s son

KILALA siguro sya ng marami bilang anak ng sikat na abogado na si Atty. Oliver Lozano.

Pero personal kong kakilala si Emerson “Burton” Lozano dahil dati syang kagawad ng baranggay Roxas sa Quezon City. Isa syang negosyante, may asawa at dalawang anak.

Masayahing tao at mahusay na kagawad.  Tuwing may project ako noon sa barangay Roxas siya ang katulong ko at katuwang.  Maaasahan at ganado magtrabaho.

Kaya nagulat ako sa nangyari sa kanya. Karumaldumal ang pagpatay sa kanya at sa kanyang driver. Hindi lang naman ako ngayon lang nakarinig ng ganitong mga karumaldumal na pagpatay.

Noon lang isang linggo, ang topic natin sa ating kolum ay ang pagpatay at paggahasa kay Carmela Vizconde, ang pagpatay at pagsesemento sa isang drum kay Ruby Barameda at ang karumaldumal na pagpatay sa mga biktima ng Maguindanao massacre na kamakailan lang ay nabulgar pa na ang ilan sa kanila ay ginahasa din.

Pero iba ang naging gimbal ko ng marinig ko ang balita tungkol kay Burton. Iba ang naging dating sa akin, parang pisikal akong tinamaan, parang sampal, parang hambalos.

Dahil kasi kilala ko mismo si Burton at hanggang ngayon ay nakikita ko sya sa aking isip na buhay, nagsasalita, tumatawa, buhay na buhay.

Para sa akin hindi lang sya anak ni Oliver, may sarili syang identity, sya si Burton Lozano.

Isang taong may tinatahak na buhay at pangarap, may mga inaabot na ambisyon para sa mga bata pang mga anak.  Si Burton na maayos na naghahanap-buhay para may magastos ang pamilya sa pang araw-araw na
pangangailangan.

Tungkol pa nga sa trabaho ang naging daan sa pagpatay kay Burton. Nakatanggap daw sya ng tawag ng isang sinasabing buyer ng sasakyang binebenta nya na makikipagkita sa kanya ng alas 7 ng gabi noong Jan. 12.Yun na ang huling araw na nakita si Burton.

Jan 13, nakita ang bangkay ng kanyang assistant sa Tarlac at January 14 naman ang sunog na sunog na bangkay ni Burton sa Porac, Pampanga na napagkilanlan na lang noong January 16 dahil sa kanyang ngipin.

Hindi nag-iisa ang kasong ito ni Burton, kasabay halos ay ang isa ring katawan ng isang negosyanteng babae na nakitang nasunog din kasama ng sasakyan nito at isang anak ng isa pang car dealer na sinasabing dinukot ng mga nagpanggap na bibili ng sasakyan ng kanyang ama na hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan at wala pa ring balita.

Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko ngayon. Halos madurog ang puso ko kapag tinitingnan ko ang mga naulila ni Burton. May takot din sa puso ko, at sigurado ako maging ang marami sa ating mga kababayan, dahil sa sunod-sunod at garapalang mga insidente ng kidnapping at brutal killing.

Kailangan bang magsumamo pa ang natatakot na sambayan sa ating mga militar at kapulisan.  Napapansin pa ba tayo ng mga opisyal ng ating mga sundalo at mga pulis gayong sila mismo sa kanilang mga organisasyon ay may mga suliranin ng korapsyon, inefficiencies at maging kriminalidad na sangkot ang ilang myembro sa kanilang hanay.

Saan susuong ang taong bayan na nababahala sa dumadaming mga insidente ng mga karumaldumal na krimen. Sino ang pupuntahan para humingi ng hustisya para kay Burton at sa kanyang naulilang pamilya.

Nais kong manawagan sa abot ng aking makakaya, sa pamamagitan ng kolum na ito.

Sana ay mabigyan ng hustiya ang pagpaslang kay Burton, sana ay mabigyan ng hustisya ang lahat ng biktima ng karumaldumal na krimen.

***
Mag- email po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa:
ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin
at opinyon

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply