Ombudsman isa-subpoena ng Kamara

PADADALHAN ng subpoena ad testificandum ng House justice committee ang mga inimbitahan sa pagdinig ngayong araw na hindi sumipot ukol sa pinasok na plea bargaining agreement ng Sandiganbayan sa kaso ni dating AFP comptroller Maj. Gen. Carlos Garcia.

Ito’y matapos i-boycott ni Ombudsman Merceditas Gutierrez at mga special prosecutors ang imbestigasyon ng mababang kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Justice Committee head at Iloilo Rep. Niel Tupas Jr., mahalaga sana ang presensiya ng mga opisyal ng Ombudsman at Sandiganbayan para maipaliwanag ang naging proseso ng pinasok nilang deal sa kabila ng plunder, ang unang kasong inihain laban kay Garcia at kung bakit naging direct bribery ito na mas mababang asunto.

Pero katwiran ni Ombudsman Gutierrez, pending pa sa Sandiganbayan ang kaso kaya hindi marapat na panghimasukan.

Iginiit din nito ang pagiging independent body ng kanilang tanggapan kaya wala pa ring patutunguhan ang anumang hearing ng Kongreso.

Samantala, dumalo naman ang kontrobersyal na dating heneral na si Garcia, kasama ang ilan sa kanyang mga abogado.

Ang mosyon ng subpoena para sa mga nabigong makadalo ay inihain ni Bayan Muna partylist Rep. Teddy Casiño at pinangalawahan naman ni Deputy Speaker at Quezon Rep. Lorenzo Tañada III.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply