Ondoy hanggang Mayo

SINASABI ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na lulukuban tayo ng La Niña mula sa buwang ito hanggang Mayo.

Yun bang — uulanin tayo ng uulanin sa loob ng limang buwan.

Naninigurado pa nga ang PAGASA na may magaganap na bagyo sa mga buwang ito.

Kaya nga, dapat nang maghanda-handa tayo sa mala-Ondoy na sitwasyon.

Mabuti kung karaniwan lang ang mga pag-ulan.

Eh sinasabi ng PAGASA na kakaiba ang mga darating na pag-ulan at bagyo.

Mas titindi pa ang mga pag-ulan gaya ng mga nagaganap sa Kabikulan, Kabisayaan at Kamindanaoan.

Mas malalakas naman ang mga bagyo na darating kumpara sa mga nakaraan.

Ito’y dahil umano sa global warming na nagbubunga ng pagbabago ng klima sa buong mundo, kabilang na ang mahal kong Pinas.

oOo

Ngayon, mga Bro, tayo, ang mga pamilya natin, ang ating mga kabarangay ay dapat na maghanda.

Kung umasa man tayo sa mas matataas na antas ng pamahalaan, dapat nang alam natin na limitado ito.

Makaraang makatanggap tayo ng tatlong lata ng sardinas at isang kilong bigas, mahirap nang hagilapin at makita ang mga meyor, kongresman, gobernador, senador at mga taga-Malakanyang.

Bukod lang kung kikita sila sa mga calamity fund at paggamit ng pork barrel sa mga kalamidad.

Heto ngayon ang problema: ano-ano ang ating mga ihahanda? Aba napakahirap pag-usapan ang problema kung lubog tayo sa kahirapan.

Pero ang kaligtasan mula sa kamatayan ay maaaring mapaghandaan.

Pupuwedeng magkaroon ng mga pagsasanay laban sa baha, katulong ang ating mga opisyal ng barangay. Dito malalaman kung saan tayo tatakbo sa ligtas na mga lugar at evacuation center.

Doon, bahala na ang gutom at sakit na mag-asikaso sa atin. Ang importante, tayo’y maliligtas sa paggu-goobye Philippines o goodbye Earth.

Basta buhay tayo, may pag-asa na maligtasan natin ang anomang kapahamakan. Ang hirap ay kayang tiisin at alpasan.

Kailangan natin ang isa’t isa laban sa ulan, bagyo, baha, kamatayan at iba pa.

Magkaisa at magtulungan lang tayo, bahala na ang susunod.

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333. Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply