Ondoy sa Australia, Ondoy sa Pilipinas

HUWAG ipagkibit-balikat ang nagaganap na mga pag-ulan sa Kabikulan, Kabisayaan at Kamindanaoan.

Parang may kaugnayan ito sa nagaganap ding pag-ulan sa Australia at
iba pang mga bansa.

Sa sarili nating bansa, sa Kabikulan, Kabisayaan at Kamindanaoan, parang muling nabuhay ang bagyong si Ondoy na nagpalubog sa Kalakhang Maynila at karatig na mga lalawigan noong Setyembre 26-27, 2009.

Sa bagyong Ondoy, umabot ang taas ng tubig sa nasa 20 piye na nagpalubog sa libo-libo kundi man milyong bahay at sumira ng iba pang mga ari-arian at hanapbuhay. May 464 ang namatay habang hindi na natagpuan ang iba pang nawala.

Napakalawak naman ang mga lumubog na lugar kina manoy at bay.

Masuwerte sila dahil nasa 40 katao pa lang ang namamatay at iba pa ang nawawala sa magdadalawang linggo nang matitinding pag-ulan, pagbaha at pag-landslide.

Malaki ang naitulong ng mabilis at puwersahang pagpapalikas sa milyong mamamayang biktima.

Hindi katulad noong panahon ng Ondoy na napakabilis ang lahat, lalo na ang baha dahil sa pagpapakawala ng tatlong dam: Angat, Ipo at La Mesa, ng kanilang mga sobrang tubig na bumigla sa nananahimik na mamamayan.

oOo

Ganito rin ang nagaganap sa Australia at talaga namang mala-Ondoy ang nagaganap roon. Sinagasaan ng grabeng baha na may taas na 26 piye ang lahat ng mga kabahayan sa Queensland at pumasok na ito sa Brisbane.

Sakop na ng baha ang mahigit sa kombinasyon ng buong mga bansa ng France  at Germany at marami na rin ang nawawalang Australyano.

Hanggang sa ngayon, wala pa namang minalas na ating kababayan sa baha. Yun bang === wala pang naitatalang namatay ngunit libo-libong Pinoy ang kasama ngayon sa mga biktima ng gutom, kawalan ng kuryente, kawalan ng tahanan at iba pang  mga ari-arian.

Habang nagaganap ang lahat ng ito, at habang nagbababala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ng La Niña hanggang sa Marso, tayo’y kinakabahan.

Ang Ondoy ay maaaring manalasa rin sa Northern Luzon.

Kayo, mga Bro, ano-ano na ba ang inyong mga paghahanda?

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333. Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply