Orcollo, bagong bayani matapos ibulsa ang 9-Ball crown sa US

UMATAKE na naman si Dennis “Robocop” Orcollo matapos sungkitin ang isa na namang karangalan para sa bansa – ang  9-ball title sa 13th Annual Derby City Classic na ginanap sa Horseshoe Casino sa Elizabeth, Indiana, USA.

Inilampaso ni Orcollo, winner din ng 2008 Qatar Open 9-ball at gold medalists ng 2010 Guangzhou Asian Games 9-ball, si Shane Van Boening ng United States, 7-1 sa pinanabikang finals ng derby pool showdown.

Isa sa pinakamagaling na player ng Bugsy Promotions billiards stable ni Perry Mariano, dinurog ni Orcollo si Mika Immonen ng Finland, 7-1 sa semifinals upang makalaban sa final match si Van Boening na tumalo naman kay Niels Feijen ng Holland, 7-6 sa magkahiwalay na semis match.

Ipinakita ni Orcollo na determinado talaga siyang maiuwi ang titulo sa Derby na hindi naidepensa ni Efren “Bata” Reyes dahil sa injury. Ang laban ni Robocop ay suportado ng Accel, Malungai Life Oil at Bugsy.

Dahil sa hindi naipasok ni Van Boening ang no. 3 ball, agad inararo ni Orcollo ang laban upang makuha ang 5-0 lead.

Sa 6th rack, hindi nakapagpasok ng bola sa break si Orcollo kaya nakakuha ng pagkakataon si Van Boening para manalo.

Subalit sa 7th rack, sumablay ang inalat at pressured na American cue artists na nagbigay tiyempo upang makuha ni Orcollo ang kampeonato.

Si Orcollo na kilalang “Moneygame King,” itinuturing ngayong bago at modernong bayani ng sports, ay ang alaga ni  Mariano na kasama ang kapwa magagaling na bilyaristang sina Roberto “Superman” Gomez, Carlo “The Cool” Biado, RJ Bautista ng St. Mary’s at Bionde Te ng Xavier.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply