P18-M suhol ng custom’s exec sa tao ni PNoy?

NOONG  Huwebes ng hapon ay pasimpleng umalis sa tanggapan ng Bureau of Customs sa Port Area, Maynila ang isang opisyal ng nasabing ahensiya habang pinupulong sila ni Finance Secretary Cesar Purisima kaugnay nga sa kapalpakan ng BoC na makamit ang tax quota nito mula nang maupo si PNoy noong Hulyo 2010 bilang pangulo ng ating bansa.

Nagmamadali daw na umalis papalabas ng BoC compound ang nasabing opisyal sakay ng kanyang mamahaling sasakyan. (Sa BoC kasi, kapag pangit ang sasakyan ng isang opisyal, nangangahulugan na puro bukol ang inaabot nito mula sa kanyang mga kasamahan.)

Ayon sa espiya natin, nagtungo daw sa isang restaurant sa likod ng malaking mall sa Macapagal Avenue, Pasay City ang nasabing opisyal ng BoC at doon ay nakipagkita sa mga tauhan ng isang mataas na opisyal ng Palasyo ng Malakanyang.

Di nagtagal ay iniabot ng BoC executive ang dala niyang isang paper bag at
malaking kahon na nakabalot pa ng gift wrapper.

Batay sa pahayag ng espiya natin, pera daw ang laman ng paper bag at ng
nakabalot na kahon at kung hindi siya nagkakamali ay aabot daw sa P18 milyon ang kabuuang halaga ng nilalaman.

Takot daw kasi ang nasabing opisyal ng BoC na matanggal siya sa kanyang
kasalukuyang puwesto kaya’t nitong mga nakaraang linggo ay halos mapudpod na ang mga siko’t tuhod ng damuho sa kagagapang sa opisina ng naturang mataas na opisyal ng Palasyo.

Sensitibo daw kasi ang posisyon ng naturang opisyal ng BoC bukod sa napakalakas pa pagdating sa pagkakakitaan.

Ang kanyang tanggapan kasi ang nagsisilbing “mata” ng buong pantalan ng ating bansa kaya’t madali nilang malaman kung iligal o hindi ang isang kargamento.

At kung sino ang opisyal ng Palasyo na binabanggit? Iyan ay walang iba kundi ang pinakasikat sa grupo ng mga lasenggong opisyal ni Pangulong Aquino.

Ito rin daw ‘yung opisyal ng Malakanyang na binibigyan ng tarang P5,000 kada 20-footer na container van na pinalulusot sa port ng Cebu at Davao.

* * * * * * * *

Sa Port of Manila, himalang pinalusot daw ang 17 container vans na naglalaman ng mga brand new at mamahaling sasakyan tulad ng Town and Country mini vans, Wranggler Jeeps at Mercedez Benz na binili mula sa Amerika.

Naipa-hold ang mga kargamentong ito nang may ilang linggo sa nasabing port dahil tinangka ng may-ari na palusutin ang mga sasakyan sa pamamagitan ng technical smuggling.

Idineklara ng may-ari na puro mga sirang sasakyan ang nilalaman ng kanyang
kargamento pero nang masilip ay puro “brand new” pala ang laman.

Pero ang nakapagtataka ay kung bakit napahintulutan din bandang huli na mailabas ang mga mamahaling sasakyan?

Isang nagngangalang Mr. F. Ang ang may-ari ng mga sasakyan daw at mukhang malakas ang kapit kay Customs Commissioner Lito Alvarez.

* * * * * * * *

AKTIBO na raw ang jueteng operations sa Muntinlupa City, Taguig at Pateros. Ang bangka raw ng jueteng sa nasabing mga lugar ay itong si Allan Manuela, na kilalang tauhan ng dating jueteng lord na si Elmer Nepomuceno na ngayo’y isang konsehal na sa isang lungsod sa Metro Manila.

Malakas daw ang jueteng ni Allan Manuela dahil wala siyang kakumpitensiya sa tatlong lugar na nabanggit.

Isa pa, mukhang maganda ang koneksyon ni Manuela kay Muntinlupa City Mayor Allan San Pedro.

Ang pa-jueteng ni Manuela ay isang malaking dagok sa sinasabing “one-strike
policy” kontra jueteng ni PNP chief Raul Bacalzo.

Wala ng maniniwala pa talaga sa kakayanan ni General Bacalzo kapag hindi niya inaksyunan itong jueteng ni Manuela.

Nasasakupan ni Southern Police District (SPD) director Jose Arne delos Santos ang Muntilupa, Pateros at Taguig.

Kaya pala abot-tenga ang ngiti ngayon nitong pulis na kilala sa pangalang Dizon Tinia, ang “tong” kolektor ng SPD!

Tiba-tiba na naman daw kasi siya!

* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran!

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply