PAFMIL hugas-kamay sa pagtaas ng presyo ng harina

NAGHUGAS kamay ang Philippine Association of Flour Millers (PAFMIL) kaugnay sa paglobo sa presyo ng kada sako ng arina na isa sa dahilan ng pagtaas ng presyo ng tinapay.

Ayon kay Ric Pinca, Executive Director ng PAFMIL, 80 porsiyento ang itinaas ng trigo sa pandaigdigang pamilihan kaya’t nabalewala ang “zero tariff” o pag-aalis sa tatlong porsiyentong taripa na ipinapataw sa inaangkat na trigo na ipinatupad ng gobyerno para maibsan ang pagtaas ng halaga ng arina.

Sinabi ni Pinca na hindi rin dapat ipantay ng mga panadero ang pagtataas sa halaga ng tasty sa pandesal dahil iba ang ginagamit na arina sa paggawa ng tasty at iba rin ang uri ng arina na ginagamit sa paggawa ng pandesal.

Mas mahal aniya ang arina na ginagamit sa paggawa ng tasty kumpara sa harina na ginagamit sa paggawa ng pandesal kaya’t pinayuhan niya ang mga panadero na gumagawa ng pandesal na bumili ng tamang harina na ginagamit sa paggawa ng pandesal.

Sa panig naman ng Department of Trade and Industry (DTI), sinabi ni Undersecretary Zenaida Maglaya na bagama’t makatarungan naman ang ginawang pagtataas ng mga panadero sa presyo ng tinapay, patuloy pa rin sila sa pagmo-monitor ng presyo nito upang matiyak na walang mga panaderyang magsasamantala.

Aminado si Maglaya na nasa P770 hanggang P800 na ang halaga ngayon ng kada sako ng arina na tumitimbang ng 25-kilo kaya’t hindi nila mapigil ang paglobo ng presyo ng tinapay bagama’t tiniyak niya na makikipag-ugnayan sila sa iba’t-ibang grupo ng mga panadero upang pakiusapan na huwag ng muling magpataw ng mataas na halaga ng kanilang produkto. Johnny F. Arasga

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply