Paggastos ng GOCCs babantayan ng Senado

TINIYAK ng isang senador na babantayan ng Senado ang lahat ng gastusin ng government-owned and controlled corporations (GOCCs) upang maiwasang maulit ang pagmamalabis ng nakaraang administrasyon sa sahod, allowance and benepisyo ng mga itinalagang opisyal sa pampublikong kompanya.

Ayon kay Sen. Franklin Drilon, bibigyang prayoridad ng Senate committee on finance ang pagtutok sa pondong ginagamit, gagamitin at inilalaan ng mga GOCCs sa lahat ng transaksiyon nito upang matiyak na alinsunod lamang sa itinakda ng batas ang paggamit ng pondo.

“Magiging bantay-sarado ang Senado sa lahat ng GOCCs at Government Financial Institutions (GFIs) dahil sisimulan na ang pagdinig sa pagbubuo ng isang oversight committee na siyang tututok sa kanilang gastusin,” giit ni Drilon.

Sinabi pa ni Drilon na magiging prayoridad ng komite ang pagtanggal sa mga dambuhalang sahod at benepisyo ng mga itinalagang opisyal ng GOCCs at GFIs na siyang inabuso ng nakaraang administrasyon.

Inaatasan ng pambansang badyet ang naturang komite na magmanman at magbusisi sa operasyon ng lahat ng kompanyang pag-aari ng gobyerno.

Nauna nang nabulgar sa Senado ang ilang dambuhalang sahod, allowances at benipisyo ng ilang mataas na opisyal na itinalaga ng nakaraang administrasyon sa ilang GOCCs at GFI tulad ng Social Security System. Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Government Security and Insurance System (GSIS).

Partikular na natuklasan ng Senado ang limpak-limpak na bonus, allowance at benipisyong nakukuha sa MWSS kabilang ang pagkakaroon ng car loan sa mga driver ng ahensiya sa kabila nang deklarasyon na nalulugi ang kompanya.

Aabot sa 157 GOCCs at GFIs sa bansa na pinangunguluhan ng mga political appointee.

Ipinakansela na ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga bonuses at allowances ng mga opisyal ng GOCCs.

Sa panig ni Drilon, sinabi nito na ang pagkakaroon ng monitoring committee ang siyang magiging susi para mabantayan ito. Ernie Reyes

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply