Panibagong imbestigasyon, hiling ng 3 suspek sa Maguindanao massacre

TATLO pang akusado sa Maguindanao massacre ang umapela sa korte na pagbigyan ang kanilang kahilingan na magsagawa muli ng panibagong preliminary investigation ang prosekusyon sa kanilang kaso sapagkat napagkamalan lamang umano sila.

Naghain ng magkakahiwalay na motion for reconsideration ang mga akusadong sina Datutucon Malaguial Esmail, Nicomedes Amad Tolentino, at Edris Gogo Kasan para hingin kay QC Regional Trial Court (QC RTC) Branch 221 Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes na baguhin nito ang inilabas niyang omnibus order noong Disyembre 14, 2010.

Nakasaad sa naturang kautusan ni Judge Solis-Reyes na ibinabasura ang kahilingan nina Esmail, Tolentino at Kasan na muling magsagawa ng preliminary investigation bunsod ng kakulangan ng merito.

Sa kanilang pleadings noong Enero 3, 2011 na isinumite ng kanilang abogadong si Paris Real, iginiit ng tatlo na hindi sila ang mga taong napangalanan sa inilabas na warrant of arrest at sa charge sheet na isinumite ng prosekusyon sa korte.

Ayon kay Esmail hindi siya ang “Datutuhon M. Esmael” na napangalanan sa warrant of arrest at sa nakuhang impormasyon hinggil sa naturang massacre.

Aniya pa, hindi nga siya inaresto ng mga pulis bagkus ay kusa siyang nagtungo sa istasyon ng pulisya sa Datu Hofer, Maguindanao para linisin ang kanyang pangalan matapos mabatid na bibigyan ng P250,000 pabuya sa sinumang makakapagturo at makaaaresto kay Esmael.

Itinanggi naman ni Tolentino na siya ang akusadong si “Mohamad T.
Datumanong”.

Katwiran pa ng kampo ni Tolentino, walang maipakitang ebidensiya ang prosekusyon na ang pangalang Nicomedes Tolentino ay alyas ng tunay na suspek na si Datumanong.

Iginiit naman ni Kasan na hindi siya ang akusadong si “Edris G. Kasan” sapagkat magkaiba ang tirahan na nakalagay sa warrant of arrest at charge sheet sa kanyang kasalukuyang tirahan. Robert C. Ticzon

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply