Panibagong yugto I

SA mitolohiyang Romano, si Janus (o Ianus) ay ang diyos na  nagbabantay ng mga pintuan at ng simula at pagtatapos.

Karaniwan siyang inilalarawan bilang isang karakter na may dalawang mukha na nakatingin sa magkabilang direksyon.

Samakatuwid ay nakikita niya ang nakalipas at ang hinaharap. Sa tradisyong ito ay si Janus o Ianus ang sumasalubong sa lahat sa paglilipat ng taon. Kaya nga’t ang unang buwan ng taon ay Enero (Ianus) o sa wikang Ingles ay January (Janus).

Bagama’t ito’y mitolohiya lamang, maganda ring tularan si Janus dahil siya’y may isang mukhang nakatingin sa nakalipas na taon at ang isa’y sa darating na isa pa. Mas matalinong itanim sa 2011 ang mga leksyong natutunan sa 2010, maging ang mga ito ay dala ng mga pagkakamali.

Katangahan ang pumalaot sa panibagong yugto ng buhay na tila ba ang lahat ay bago, na para bang walang nangyari sa mga nakaraan.

Hindi dapat kalimutan ang nakalipas, lalo na ang mga pagkakamaling nagawa, sapagkat kung hindi natin isasaisip ang mga ito, muli at muli tayong madadapa sa ating paglalakbay sa buhay.

Simula sa pagkabata ay pilit na tayong pinag-iisip ng ating mga resolusyon para sa panibagong taon. Sa paglipas ng panahon ay nakita ko na walang epekto ito sapagkat pagtuntong pa lamang ng Pebrero ay nalimutan na ang mga ipinangakong pagbabago ilang linggo pa lamang ang nakalilipas.

Naging laro at biruan na lamang ang New Year’s resolutions na aking ginagawa, isang topikong masarap pag-usapan ng barkada at ilan pang taong pumapatol sa ganitong klase ng usapang-kanto.

Hindi naman ako masyadong matanda na, pero dahil siguro sa paglipas ng panahon ay nagkakaroon din ako ng reyalisasyon na mainam ding itimo sa isip, o mas maganda nga ay isulat sa isang papel at ilagay ito sa isang lugar na madali at madalas na makikita, ang mga pagbabagong nais mangyari sa buhay at ang mga aksyon na dapat gawin upang matupad ang mga pagbabagong ito.

Higit sa ibang panahon ng buhay ko ay nakikita ko ang kahalagahan ng oras at panahong sa malaking parte ng buhay ko ay binabale-wala ko lamang.

Hindi humihinto ang pag-inog ng mundo at pag-tiktak ng orasan. Hindi maghihintay ang mundo kahit sabihin mong, “Teka, teka muna! Hintayin mo muna ako hangga’t hindi pa ako handa.”

Ang panahon ay hindi isang dyipni na maaaring parahin sa pamamagitan ng pagtuktok sa bubong nito o sa pagsigaw ng “Sa tabi lang, Bos!”

Kung ibig mong tumigil sa mabilis at nakahihilong biyahe ng buhay, kailangan mong tumalon mula sa tumatakbong sasakyan. Ngunit ang sugal dito ay baka hindi ka na makasakay uli.

Nasa panahon tayo ng paglilipat ng taon. Isang yugto na nagpapaalala sa lahat upang magbalik-tanaw sa nakaraang 365 araw at magtanong:
Ano ba ang narating ko? Nagkaroon ba ng kabuluhan ang buhay ko ng nakaraaang 12 buwan? Nakalapit ba ako sa ninanais kong destinasyon ng aking buhay? Fort Nicolas

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply