Parusahan

NITONG nakaraang mga araw, nag-aagawan sa headline ng balita ang mga kasong kinakasangkutan ng mga tiwaling pulis at militar.

Seryoso ang mga kasong kinasasangkutan nila.  Hindi simpleng misconduct  kundi mga kasong kriminal  at masahol na paglabag sa batas.

Panggagahasa, pagkidnap, walang habas na pamamaril, pananaksak, pagpatay. Ilan lang ito sa mga kasong kinakasangkutan ng mga pulis nitong nakaraang mga linggo.  Ayon mismo sa PNP, mula Enero hanggang Nobyembre noong nakaraang taon, 2,000 kasong administratibo ang naisampa laban sa mga tiwaling pulis.

Ang nakakangitngit, kadalasan, nalilipat lang ng destino o pinapag-leave ang mga sangkot.  Karamihan ay hindi napaparusahan.

Samantala, ang kaso ni General Carlos Garcia, dating comptroller ng AFP ay malinaw na sumasalamin sa masahol na korupsyon sa loob ng AFP at kung paano maaring makalusot ang mga tulad niya at mapanatili ang kanser ng korupsyon sa ating sistema.

Sa kaso ni General Garcia, hindi ako naniniwala na umaakto siyang nag-iisa at walang direkta o di-direktang kasabwat .  Hindi ako makapaniwala na makakagalaw siya ng diumano’y P303 milyong piso, magkakaroon ng mga bahay at lupa sa loob at labas ng bansa at makapaglalabas ng daan-daang libong dolyar nang walang nakakaalam sa ating mga awtoridad.

Marami na rin ang di na nagugulantang sa mga balitang ito.  Di lang naman ngayon tayo nakakabalita ng mga kaso ng katiwalian o krimen na sangkot ang mga pulis at militar.  Kaya nga laging mababa ang kumpiyansa at tiwala ng taumbayan sa AFP at PNP ay dahil sa loob ng maraming taon, iba’t ibang administrasyon at milyun-milyung pondo na inilaan sa mga insitusyong ito, lumalala pa ang kabulukan sa loob nila.

Hindi nakakasapat ang tugon ng PNP na kailangan daw maglunsad sila ng mga leadership seminar para maliwanagan at ireporma ang kapulisan.

Lalong hindi ang pragmatikong solusyon ng Ombudsman na plea bargain deal kay General Garcia. Sa ilalim ng kasunduang ito, pansamantalang nakalaya si Garcia sa bisa ng bail sa mas magaang kasong isinampa laban sa kanya samantalang binabale-wala ang mas mabigat na kasong plunder na siyang dapat niyang panagutan.

Ang mapagpasyang hakbang ng gobyerno na magbibigay ng positibong senyales na magkakaroon nga ng pagbabago sa AFP at PNP ay kung may makikita ang taumbayan na may napaparusahan, sampu ng kanilang kasabwat sa kataas-taasang antas ng gobyerno. Liza Maza

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply