Pelikula ni Jennylyn Mercado, hindi napansin sa 36th MMFFP

MARAMI  ang nalulungkot dahil hindi man lang napansin sa awards night ng 2010 Metro Manila Film Festival Philippines ang pelikulang “Rosario” na pinagbibidahan ni Jennylyn Mercado mula sa Cinemabuhay.

Kahit si Jennylyn ay hindi nominado sa obrang ito ng aktor na si Albert Martinez.

Kabilang si Danny Dolor, isang art patron at kaibigang matalik ng mga Cruz at nina Ricky Lo at Ronald K. Constantino.

Hindi makapaniwala si Danny na wala man lang nakapuna sa kagandahan ng pelikula.

Nagtataka si Dolor kung bakit wala man lang malalaking gantimpala ang pelikula tulad ng Best Actress, Best Actor, Best Director, Best Screenplay samantalang kung tutuusin daw ay karapat-dapat ito.

***

Ayon kay Ronald na siyang namahala ng 36th Metro Manila Film Festival Philippines, nakausap agad niya si Danny at lungkot na lungkot sa kapalaran sa karangalan ng “Rosario.”

“Ang ganda raw ng pelikula pero wala man lang nakapansin. Buung-buo raw at may sense pero kahit ang mga judges ay hindi ito napuna,” pahayag ni Constantino.

Pinulaan pa ni Dr. Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan ang likhang-sining ni Albert dahil watak-watak anya ang kabuuan nito at walang ibig sabihin.

“My God! Sana ay nakita raw ng mga hurado ang sense ng pelikula para nagkaroon ito ng laban,” dagdag pa ni Ronald sa sinabi sa kanya ni Dolor na isa ring mahiligin sa pelikulang lokal.

***

Mabuti na lang at bumabawi na ito sa takilya at ang pagpik-ap ay nang dahil word of mouth mula sa mga nananalig sa direksyon at kahulugan ng pelikula ni Albert.

Mula sa pagkakulelat ay nasa ikapito o ikaanim na puwesto na sa listahan ng mga kumikita ang pelikula ni Mercado.

Ang nasa hulihan umano ngayon ay ang “Father Jejemon” ng RVQ Productions na pinangungunahan ni Dolphy.

Ayon kay Constantino, malaki ang epekto ng pagpintas ng mga pari at Obispo sa pelikula ni Dophy kaya nagkawindang-windang ang resulta nito sa takilya.

***

Samantala, nananatiling nangunguna ang “Si Agimat at si Enteng Kabisote” ng GMA Films, M-Zet Productions, APT Entertainment, OctoArts Films at Imus Productions sa pangunguna nina Ramon “Bong” Revilla, Jr., isa sa mga senador ng bayan at Vic Sotto.

Malaki ang naiambag ng pelikula sa pagtabo sa takilya ng 2010 MMFFP.

Nakasiyamnapung milyong piso ang 36th MMFFP sa unang araw pa lang ng pagtatanghal ng mga pelikula nito.

At tiyak na maaabot ng Metro Manila Development Authority o MMDA ang target nitong limandaang milyong piso sa pagdiriwang ng pista ng pelikulang Pilipino ngayong 2010 at 2011 dahil hanggang ika-7 ng Enero pa ng taong ito ang pagpapalabas ng mga obrang kalahok sa taunang okasyon.

***

Nakadalawampung milyon naman sa unang araw ang “Ang Tanging Ina Mo Rin (Last Na ‘To)” ng Star Cinema sa pagbibida ni Ai Ai de las Alas.

Ito ang ipinagtapat ng direktor nitong si Wenn V. Deramas.

“Pero ang gusto ko pa, malagpasan ‘yong kinita naming almost two hundred million pesos ng ‘Ang Tanging Ina…’ series noong 2008. Nakadale kami no’n nang malaki.

“Gusto ko, madaig pa namin ‘yon para may bonus kami, di ba? Pero I’m sure malalagpasan namin ‘yon,” wika ni Wenn. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply