Planong industrial park sa Lingayen, Pangasinan suntok sa buwan

HANGGANG ngayon ay wala pang malinaw na balita tungkol sa plano ni Pangasinan Governor Amado T. Espino Jr. na gawing isang “worldclass” eco-tourism at industrial zone ang likurang bahagi ng kapitolyo ng lalawigan na nasa bayan ng Lingayen.

Ang plano ni Gov. Espino ay nakasalalay sa grupo ng mga Koreano na bumubuo sa isang kumpanya na tinawag na Segero International Enterprises Inc. na umano’y may tanggapan sa RN Building sa Shaw Boulevard, Pasig City at pinamumunuan ng isang nagngangalang Jeong Tae Park.

Sa dokumentos na natanggap natin, nagkaroon ng joint venture agreement sa pagitan ng Pangasinan provincial government at ng Segero, na nagsisilbing developer ng naturang eco-tourism at industrial zone na gagawin sa Sabangan, Estanza sa bayan ng Lingayen. Dito n’yo makikita ang magandang tanawin ng Lingayen Beach at ang malawak na karagatan ng Lingayen Gulf.

Ang naturang joint venture agreement ay base sa isang resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan (No. 117-2010) na ipinasa noong Pebrero 15, 2010 na nagbibigay-pahintulot kay Gov. Espino na makipag-transaksyon sa sinumang partido kagaya ng Segero na interesadong magsagawa ng naturang proyekto ng lalawigan.

Sa nasabing kontrata, tumataginting na 50-taon ang ipinagkakaloob ng provincial government ng Pangasinan sa Segero para i-develop ang industrial zone na may sukat na 30-hectares inland at 30-hectares offshore.

Naging aktibo ang nasabing kontrata magmula nang mapirmahan ito nina Gov. Espino at ng Segero noong Oktubre 11, 2010. Ibig sabihin, magtatapos ang kontrata sa Oktubre 10, 2060.

Pero hanggang ngayon, wala pang naipapakitang pruweba ang Segero. Wala pang nakikitang pagbabago sa eco-tourism at industrial site na ipinagkaloob sa kanila ng lalawigan ng Pangasinan sa pangunguna ni Gov. Espino.

Marami ang nag-iisip tuloy na mukhang hindi kayang pondohan ng Segero, maging ang mga inisyal na gawain sa pagpa-plano, para magtuloy-tuloy ang proyektong “world-class” ng gubernador na ngayon ay stranded pa
yata sa Amerika.

Totoo kaya ang sinabi ng ilang pulitiko sa Pangasinan ng ginagamit lang ng nasabing kumpanya ang proyekto upang makapangalap ng bilyun-bilyong dolyares mula sa pribado at government financial institutions ng gobyerno ng South Korea?

Bakit nabigyan agad ng kontrata ang Segero na hindi man lamang nasuring mabuti ang financial capabilities at assets ng nasabing kumpanya?

Maliit lang ang opisina nito sa ibinigay na address sa Pasig City at mukhang “hao-shiao” pa ang nasabing tanggapan.

Sino kaya ang mga kumita sa kontratang ito at madaling napapayag ng Segero si Gov. Espino at ang Sangguniang Panlalawigan para mapunta sa kanila ang proyekto?

Hindi ba dapat daraan pa sa masusing proseso at bidding ang proyektong ito?

oOo

Napag-uusapan na rin lang ang lalawigan ng Pangasinan, ano naman kaya ang masasabi ni Gov. Espino sa malawak na operasyon ng jueteng ngayon nina Boy Bata, Lito Mallorca, Marlon, Tony Ang Co, Bebot Villar at Raul Sison?

Hindi na puwedeng paikutin pa ni Gov. Espino ang taumbayan katulad ng ginawa niya noon sa Senado kung saan ay nagdrama-dramahan pa siya. Ang operasyon ng jueteng ni Boy Bata ay sa mismong Lingayen kung saan mo makikita si Gov. Espino, sa Binmaley, Bugallon, Dagupan City at San Fabian. Si Lito Mallorca naman ay sa Bayambang, Malasigui, Mangaldan, Manaoag at Mapandan habang si Tony Ang Co ay sa 5th district samantalang si Marlon naman ay sa 6th district.

Sa Mangatarem, Urbiztondo at Basista naman si Raul Sison samantalang si Bebot Villar (ito ba ‘yung dating nasa Presidential Anti-Smuggling Group?) naman ay sa Villasis, Sto. Tomas, Alcala, Bautista at Carmen.

Mahigit sa P200 milyon ang kinikita ng mga bangka ng jueteng sa Pangasinan at ito daw ang dahilan kung bakit mistulang bulag at pipi itong sina Gov. Espino, Police Regional Office 1 director Chief Supt. Franklin Bucayu, at PNP provincial director na si Senior Supt. Ros Ricaforte. Ano naman kaya ang reaksyon nitong si PNP chief Raul Bacalzo? O baka naman nakalsuhan na rin ng intelihensiya ang tanggapan niya kaya’t hindi niya masibak itong sina Bucayu at Riocaforte? Tulad ng dating tanong, magkano ang usapan n’yo? Maging si dating bishop Oscar Cruz, ang anti-jueteng crusader, ay tahimik na rin ngayon sa isyu ng jueteng sa Pangasinan. Bakit kaya, bishop Cruz?

oOo

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply