Major General Garcia bumuwelta sa gobyerno

BUMUWELTA ang nakalayang akusado sa plunder case na si dating AFP comptroller Maj. Gen. Carlos Garcia laban sa gobyerno at maging sa mga nagdidiin sa kanya sa naturang asunto.

Sa pagharap ni Garcia sa imbestigasyon ng House committee on justice, kanina, sinabi nitong masyadong “bloated” ang figures na sinasabing kinamkam niya noong nanunungkulan pa sa sandatahang lakas.

Itinanggi ng dating opisyal na may mga ari-arian ito sa Amerika.

Maging ang dating nag-imbestiga sa kaso noong 2004 na si Parañaque Rep. Roilo Golez ay hindi rin pinalagpas ng kampo ng retiradong heneral.

Ipinaalala pa ni Garcia ang minsang naging katanungan ni dating Rep. Vincent Crisologo kay Golez kung na-validate ba ang mga sinasabing ari-arian ng dating heneral.

Sa paniniwala ng mga abogado ni Garcia, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa naba-validate ang mga ito kaya patuloy na idinidiin ang kanilang kliyente sa mahigit P300 milyong halaga ng mga ari-arian.

Alam din umano nito na sa simula pa ay maa-acquit na siya dahil sa mga maling detalye sa kanyang kaso, subalit napilitan lamang siyang maglabas ng guilty plea dahil sa pagkakaipit ng kanyang mga mahal sa buhay.

Nabatid na maging ang kanyang asawa at mga anak ay nakulong na rin sa Estados Unidos dahil sa iba’t ibang akusasyon.

Samantala, padadalhan ng House justice committee ng subpoena ang mga inimbitahan sa pagdinig kahapon ngunit hindi sumipot.

Partikular na padadalhan ng subpoena ay sina Ombudsman Merceditas Gutierrez at mga special prosecutors na bumoykot ng imbestigasyon ng Mababang Kapulungan.

Ayon kay Iloilo Rep. Niel Tupas Jr., chairman ng komite, mahalaga ang presensya ng mga opisyal ng Ombudsman at Sandiganbayan para maipaliwanag ang naging proseso nang pinasok nila ang plea bargain deal kay Garcia.

Katuwiran ni Ombudsman Gutierrez, pending pa sa Sandiganbayan ang kaso kaya hindi marapat na panghimasukan.

Iginiit din nito ang pagiging independent body ng kanilang tanggapan kaya wala pa ring patutunguhan ang anumang hearing ng Kongreso.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply