PNOY, Dinky, nagugutom parami nang parami nang parami

SABI ng sarbey ng Social Weather Station, parami nang parami nang parami ang nagugutom at naghihirap.

Ang masama, itinaon ang sarbey sa panahon ni PNoy na nagpapaasa kay Juan ng pag-ahon sa gutom at kahirapan.

Ipinambala nga niya sa kanyang kanyon laban sa mga problemang ito si Dinky Soliman na may baon-baong P21 bilyong conditional Cash Transfer Program.

May problema nga lang sa CCT na ito.

Sapagkat piling-pili na tao lang ang pagbibigyan nito.

Ano kaya ang masasabi ni PNoy sa sinasabi ng Social Weather Station na parami nang parami ang nagugutom at naghihirap, huh?

oOo

Sa sarbey na ginawa noong katapusan ng Nobyembre, milyon-milyon pamilya ang nagsabing sila’y wala talagang makain, paminsan-minsan silang hindi makakain at sampung kahig, isang tuka.

In ader words, Suki, kulang-kulang sa bilang na 600,000 pamilya ang nagsabing madalas na wala silang makain dahil sa kahirapan.

Eh kung itaymis mo yan sa kahit 5 dahil karaniwang 5 ang miyembro ng isang pamilya, milyones na katao yan o tatlong milyon, Suki.

Lumaki naman ang bilang ng mga paminsan-minsang walang makain mula sa nasa 3 milyon sa 3.4M pamilya.

Magtaymis 5 ulit tayo, Suki, at nasa 17 milyon yan.

Nasa 9.2 milyong pamilya o nasa 47milyon o nasa kalahati ng 95milyon lahi ni Juan ang nagsabi namang mahihirap sila.

O P-Noy, paano ito?

Kung sa mga nakaraang gobyerno ay nangangatwirang mali ang mga sarbey na ganito, ano naman ang sa iyo, huh?

oOo

Sabi ng ilang tauhan ni PNoy, solb na sa opisina ni Manang Dinky Soliman ang problema sa gutom.

Sa laki ba naman, nasa P21 bilyon, ang badyet ni Manang Dinky laban sa gutom sa ilalim ng Conditional Cash Transfer.

Puro cash ang ipauulan ni Manang Dinky at nasa P1,500 yata sa isang buwan ang ibibigay sa mga nanay na mahihirap.

Meron naman yatang ilang daang piso na badyet para sa mga mag-aaral na anak na kailangang ipa-tsekap lagi sa mga doktor ng barangay para mabantayan ang kalusugan ng mga ito.

Mayroon din umanong treyning sa mga magulang upang isang araw ay makayanan ng mga ito ang tumindig sa sariling paa.

Masosolb na nga kaya ang gutom at kahirapan?

Paano kung ang mga walang makain lang ang mabibigyan ng CCT dahil sila naman umano talaga ang target na pures op da pur. Paano ang higit na maraming nagsasabing nakararanas din sila nang gutom at higit pang maraming nagsasabi sila’y talagang mahirap?

oOo

Habang nagbibigay ng pag-asa sina Manang Dinky, panay naman ang tango ni PNoy sa toll hike, oil price hike, fare hike, tinapay hike at iba pang hike na pinagmumulan ng gutom at kahirapan.

Paano kung sa susunod na sarbey, eh, lalong darami ang magsasabing wala silang makain, paminsan-minsang walang makain at mahihirap dahil sa mga hike na yan?

PNoy at Dinky, pag nangyari ito, medyo mag-isip-isip muna kayo at tumabi-tabi. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply