PNoy ‘incompetent’

MAY nangyayaring destabilisasyon sa administrasyon ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III.

Ito ang laman ng isang text message na natanggap ni Benny Antiporda, pangulo ng Alyansa ng Filipinong Mamamahayag (Afima), mula kay Maria Montelibano, media consultant ni PNoy.

Itinanggi naman ito ni Antiporda. Sagot niya kay Montelibano: “Walang destabilization at marami lang talagang problema na kailangang bigyan ng pansin or else doon na patungo ang administrasyong Aquino.”

Idinagdag pa ng Afima president na naging supporter siya ni PNoy, subalit ngayon ay isa rin siya sa mga biktima ng administrasyon nito.

“I just hope you take this message seriously,” pagtatapos niya.

Sa ganitong mga salita ay ipinahayag ni Antiporda sa media consultant ni PNoy ang sentimiyento ng buong industriya ng media sa bansa sa kasalukuyang gobyerno.

Ang damdaming ito ay nararamdaman din ng iba pang sektor.

Katunayan, mismong si retired Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), ang nagbulgar na may dalawang malalaking grupo ang seryoso na ang pagkadismaya sa performance ng administrasyon ni PNoy.

Ang dahilan: “Incompetence” o kawalan ng kakayahang pamahalaan ang bansa at igiya ito patungo sa ninanais na kaunlaran at katiwasayan.

“Ang problema po ay ‘yung incompetence ng incumbent president. Ang incompetence ay hindi mareremedyuhan hangga’t hindi aalis (ang Pangulo),” paliwanag ng lider ng Simbahang Katoliko.

Tumangging pangalanan ni Bishop Cruz ang mga grupong tinutukoy, ngunit nagbigay siya ng mga clue: Ang isang grupo ay binubuo ng mga taong limpak-limpak ang pera at nais na makabalik sa puwesto, habang ang isa pa ay yaong mga taong may ideyolohiya.

Dagdag pa ng Obispo: Ang isa sa mga ito ay may “military component.”

Aniya pa, hindi naniniwala ang dalawang misteryosong grupo na kaya ni PNoy ayusin ang gusot sa peace and order situation ng Pilipinas.

Katunayan, sabi ng arsobispo, ay nakikita ng mga ito na patuloy ang paglala ng sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.

“Ano man pong ibigay n’yo na magagaling na tagapayo, Cabinet members, basta’t incompetent ka hindi po kayang lutasin. ‘Yan po ang pinakamabigat na pasanin diyan,” dagdag ni Cruz.

Aminado si Bishop Cruz na tapat at hindi sinungaling si Pangulong Aquino, ngunit, sa totoo lang, “he is incompetent.”

Nauna nang napabalita na nagbabala ang Council for Philippine Affairs (Copa) na posibleng hindi matapos ni PNoy ang kaniyang anim-na-taong termino bilang halal na Pangulo kung mabibigo itong resolbahin ang lumalalang kriminalidad sa bansa.

Ngunit mariing pinabulaanan ng grupo ang alegasyong kabilang sila sa mga grupong dismayado sa pamamahala ni Pangulong Aquino.

Ayon kay Billy Esposo, chairman ng Copa, kuwestiyunable ang motibo nina Archbishop Cruz at brodkaster na si Anthony Taberna sa pagbibigay ng hindi makatotohanang impresyon na dismayado na kanilang grupo kay Pangulong Aquino.

Ang nakapagtataka pa umano, nang banggitin ni Cruz ang Copa, ipinakita ang file video ng secretary general ng grupo na si Pastor “Boy” Saycon na nagpapahiwatig ng kahandaan nitong magturo.

Aniya, nagkakaisa ang Copa sa pagsuporta kay PNoy at sa kanyang reform agenda.

Idinagdag pa nito na ang grupo nila ay nasa frontline sa pakikipaglaban sa anumang grupo o tangkang pagpapabagsak sa administrasyon ni PNoy.

Anu’t ano pa man, milyun-milyong Filipino mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang naghihintay na mabigyang katunayan ni Pangulong Aquino na ang pagkakaluklok sa kanya sa pinakamataas na puwestong pulitikal sa bansa ay hindi mababale-wala.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply