PNOY, KOBOY SA MGA KAPITALISTA DEDMA SA MGA MANGGAGAWA

KUNG ako si PNoy, dapat lagi akong mag-isip sa harap ng mga kontrobersiya.

Lalo na sa usapin ng mga mayayaman/kapitalista at mahihirap/obrero.

Magiging basehan ng aking pag-iisip ang pagkakapuwesto ko sa Palasyo.

Sino ba talaga ang nagpuwesto sa akin sa kaharian: mga mayayaman o mahihirap?

Sino talaga ang boss ko? Sa isang iglap, masasabi kong pareho silang boss ko.

Pareho sila bumoto sa akin na dahilan upang maluklok ako sa puwesto ng Hari sa repablik ni Juan.
Ang problema ay kung maghihiwalay ng landas ang dalawang uri ng mga boss ko. Dito papasok ang numero ng mga bumuto sa akin.

Sa mahigit 15 milyon na bumoto sa akin mula sa 36M kabuuang botante, ilan ang mula sa mayayaman/kapitalista at  ilan ang mula sa mahihirap/obrero? Halimbawang limang porsiyento lang ang mayayaman, ibig sabihin nito na ang mahihirap ang nagluklok sa akin sa puwesto.

Babalik sa akin ang tanong sa oras na hindi magkasundo ang mga mayayaman at mahihirap: sino ba talaga ang boss ko, huh?

Simpleng katanungan pero mahirap sagutin.

oOo

Ang totoo, hindi tayo mapalagay sa mga nagaganap ukol sa ekonomiya ng repablik ni Juan. May klarong hindi pagkakasundo ng mga mayayaman/kapitalista at mahihirap/obrero.

Wataymen, klaro ang pagkakaiba ng mga mayayaman at kapitalista at mahihirap at obrero. Klaro naman, Suki, ang pagtrato ni PNoy sa mga ito na puwersa sa ekonomiya.

Sa ilalim lang ng Public-Private Partnership, binebeybi ni PNoy ang mga kapitalista samantalang wa sey siya sa mga obrero.

Tilad-tilarin natin ang mga nagaganap.

oOo

Pangunahin sa mga patakaran ni PNoy ang paggarantiya sa kita ng mga kapitalista sa PPP.

Pruweba?

Sampol niya sa mga mayayaman/kapitalista ang paglalarga ng mga toll hike, oil price hike, power o kuryente hike, sugar price hike, rice price hike at kung ano-ano pang hike para sila kumita.

Nasa P200 bilyon, Suki, ang pakakawalan ni PNoy sa paggawa ng mga mulitibilyong proyekto na nais pasukin ng mga mayayaman/kapitalista.

Sa pagtitiyak niya ng garantiya sa kita at pagpapakita kung gaano kalaki ang kita ng mga mayayaman/kapitalista kung pumasok sila sa PPP, panay ang puri ngayon ng huli, kabilang na ang mga nagpapautang na banyaga, kay PNoy.

May “political will” si PNoy, sabi.

oOo

Sa kabilang banda, sinasabi ni PNoy at ng kanyang mga tsuwariwap na “magtiis kayo, babalik din sa inyong kapakanan ang lahat ng ito.”

At para totoong mabuhay sa pagtitiis si Juan, malamig pa sa ilong ng pusa ang pagharap nito sa mga kahilingan sa wage hike na panlaban sana sa sobrang kahirapan at kagutuman.

Kung magbibigay man, tiyak na panot.

Wala sa isipan ni PNoy na ang nakararami sa 15M bumoto sa kanya ay kabilang sa nasa 36M anakpawis na siyang totoong lumilikha ng yaman ng bansa at ang akala niya at ang kanyang mga kab iskawt na ang salapi ng mga mayayaman/kapitalista ang nagpapatakbo na parang kotseng  Porsche sa ating ekonomiya.

Tse!

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply