PNoy to PNP: Carjacking, sugpuin, hulihin ang mga salarin

SA GITNA ng sunod-sunod na insidente kaugnay ng carjacking na nagbunga ng malagim na pagkamatay ng tatlong katao, inatasan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Philippine National Police (PNP) na kaagad lutasin ang problema at hulihin ang mga salarin.

Sa isang pulong-balitaan nitong Huwebes, Enero 20, sinabi ni presidential deputy spokesperson Abigail Valte na inatasan na ni Aquino ang mga awtoridad na paigtingin ang kanilang operasyon laban sa mga sindikato ng carjackers.

“Certainly, it (cases of carjacking) is a cause for alarm, which is why the President has already asked the PNP to be on top on this… to take extra measures some of them, particularly the Manila Police District (MPD) has been putting up checkpoints to increase police visibility”, ani Valte.

Bahagi ng security measures ng PNP ang pagdadagdag ng checkpoints sa mga strategic area sa Metro Manila upang mapigilan ang mga carjacker sa kanilang mga ilegal na operasyon, ayon kay Valte.

Aniya, ito ay bukod pa sa task force na itinalaga upang maresolba ang mga insidente kaugnay ng car theft.

Samantala, nakipagpulong din si Aquino nitong Huwebes kay Department of Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo at mga matataas na opisyal ng PNP para sa agarang paglutas ng pagkamatay ng tatlong indibidwal sa dalawang magkahiwalay na carjacking-related incidents nitong Enero.

Five incidents

Nitong Huwebes ng umaga, natangay ng hindi pa nakilalang mga suspek ang sasakyan ni radio DZMM anchor Carl Balita na may plakang ZSA 299 na nakaparada sa parking lot ng Torre Venezia sa Timog Ave. kanto ng Mo. Ignacia sa Quezon City.

Ito ay kasunod ng isa pang carjacking incident sa Makati City nito naming Miyerkules, Enero 19. Ninakaw sa nasabing siyudad ang Toyota Land Cruiser ni Margarita “Gaita”Araneta Fores, pinsan ni defeated vice presisdential candidate Manuel “Mar”Roxas II.

Ang dalawang insidente ay kasunod ng malagim na pagkamatay ng dalawang car dealers. Una ay si Emerson Lozano na anak ni Oliver Lozano, dating abogado ng mga Marcos, at ang kanyang driver na si Ernani Sensil.

Sinunog ang mga labi nina Lozano at Sensil na sumama sa pag-test drive ng prospective buyer ng isang Kia Carnival van noong isang linggo. Natagpuan ang sunog na katawan ni Lozano sa Porac, Pampanga noong Enero 14, samantalang ang labi ni Sensil ay natagpuan sa La Paz, Tarlac noong Enero 13.

Isa pang car dealer, si Venson Evangelista, ang natagpuang patay at sunog ang katawan nitong Martes, Enero 18 sa Cabanatuan,Nueva Ecija. Sinamahan din niya ang prospective buyers ng ibinebenta niyang Toyota Land Cruiser.

Nauna rito ang insidente sa Brgy. Sto Niño, Hagonoy, Bulacan kung saan apat na suspected carjackers ang nagkunwaring bibili ng Isuzu Altera ni Monica Atienza, isang overseas Filipino worker noong Enero 12.

Isinama ni Atienza ang kanyang mga anak na si Mark Joshua, 7, at Irish Camille, 6, at ang kanyang kamag-anak na si Carol Lugi, 60, sa pagte-test-drive ng sasakayan kasama ang mga suspect.

Di na nakabalik si Atienza at ang tatlo pa niyang kasama na kalauna’y natagpuang nakagapos at may busal sa Victoria, Tarlac.

Mas mababa

Bagamat naging malagim ang sinapit ng tatlo sa biktima, mas mababa pa rin ngayong taon ang naitalang carjacking-related incidents ng PNP-Highway Patrol Group kaysa sa mga nakalipas na taon.

Ayon sa PNP-HPG, 31 lamang ang naitala nilang insidente ng car theft mula January 1-19, 2011. Ibig sabihin, sa daily average, 1.6 lamang na mga sasakyan ang nananakaw.

Noong 2010, dalawa hangggang tatlong sasakayan kada araw ang nananakaw ayon sa report ng awtoridad. Noong 2009, tatlo hanggang apat ang nananakaw.

Noong 2010, nakapagtala ng 918 kaso ng car theft angPNP-HPG.

Sa National Capital Region may pinakamataas na bilang ng car theft cases na pumalo sa 646 noong nakaraang taon. Sinundan ito ng Southern Tagalog na may 110 cases, at North Central Luzon na may 84 cases.

Noong 2010 din, ayon sa PNP, kasama sa mga brand ng kotse na mainit sa mga mata ng mga carjackers ang: Toyota Vios, Mitsubishi L-300, Honda Civic, Nissan Urvan, Isuzu Crosswind, at Hyundai Starex.

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply