Pondong P45-M ginawang P39-M, anay sa PSC ramdam ng Pagcor

POSIBLENG nararamdaman na umano ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na mayroong kumakapit na sangkaterbang anay sa Philippine Sports Commission (PSC) dahilan upang magpasya itong bawasan ang budget nito ngayong taon.

Nakatakda nang makipagpulong si PSC chairman Ricardo Garcia kasama ang ilang sports officials kay Presidente Noynoy Aquino para pag-usapan ang financial problem ng Philippine sports.

Nagrereklamo kasi ang PSC dahil sa hindi pagtupad ng PAGCOR sa Republic Act 6847 kung saan itinatadhana nitong dapat na limang porsiyento sa kita nito ang ibibigay sa sports.

“I know the President is a reasonable man, and he will understand the problem in sports,” pahayag ni Garcia.

“We don’t want this thing to go to court. If we can settle it amongst ourselves, then that will be better,” dagdag niya.

Ayon kay Garcia, hindi umano sapat ang ibinibigay ng PAGCOR sa PSC kaya naghihirap ang ahensya.

Sa ilalim ng nasabing batas, ang PAGCOR ay kailangang magbigay sa government sports agency ng five percent sa kabuuang kita nito, na gagamitin naman sa grassroots development sports programs.

Natuklasan na mula sa P45-million average noong nakaraang taon ay bumaba sa P39 million ang nakuha ng PSC para sa buwan ng Enero kung saan ay halatang binawasan ng anim na milyon.

“PAGCOR’s contribution is unstable, and if this continues, we might find ourselves short by P60 million to fund our programs. So we really need to get our right share to be able to run our programs properly,” paliwanag ni Garcia.

Naghimutok din ang PSC dahil sa 50 national sports associations (NSAs) ay kinailangan nilang magpaluwal ng P400M kada taon.

Aabot sa P30 million ang gagamitin ng bansa para sa paglahok nito sa Southeast Asian Games sa Indonesia, P40 million para sa National Games, at P15 million para sa Batang Pinoy.

Nagpahayag ang mga kritiko na maaaring nakakatunog na ang PAGCOR sa mga hindi umano maipaliwanag na finances ng PSC.

Inginuso rin ng mga kritiko sa pagbaba ng pondo na ito mula sa ahensya ang patuloy na anomalya na ginagawa ng mga buwaya sa sports.

Naniniwala sila na kinailangang magkaroon muli ng balasahan sa mga opisyal at matinong auditing sa pondo bago maikasa ang mga programang balak ng sports body.

“Alisin muna nila ang mga buwaya. Sila ang umuubos ng pondo. ‘Yung dapat na napunta sa mga atleta ay napupunta lamang sa kanila.

Sa sobrang dami nila, hindi na yata kayang lipulin ng tuwid na landas ni PNoy,” ayon sa isang kritiko sa panayam ng Remate Sports.

“Ang dapat gawin ni PNoy ay ayusin ang mga programa at huwag hayaan ang mga buwitre na makalapit sa pondo upang hindi nila ito magalaw.” Gilbert Perdez

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply