Presyo ng ampalaya, kamatis, manok at bangus tumaas

BAHAGYANG tumaas ang presyo ng ilang mga gulay sa mga palengke ayon sa Department of Agriculture (DA).

Batay sa price monitoring ng DA ngayong araw, tumaas ng P5 kada kilo ang ampalaya sa halagang P40 hanggang P75 kada kilo kung ihahambing sa presyo nito kamakalawa na P35 hanggang P70.

Tumaas din ang pinakamurang presyo ng kamatis na nasa P25 kada kilo mula sa P20, ang naitalang pinakamurang halaga nito kamakalawa.

Mula naman sa P110 kada kilo na pinakamurang fully-dressed chicken, pumalo ito sa P115-135 kada kilo.

Umangat din ng P5 ang presyo ng medium na bangus na pumalo sa P80 kada kilo mula sa P75 kada kilo ngunit hindi naman gumalaw ang presyo ng pinakamahal na bangus na napako sa P120.

Nanatili ang presyo ng pork ham/kasim na nasa pagitan ng P150 hanggang P170 kada kilo habang ang pinakamurang liempo naman ay bumaba mula sa P165 na presyo nito kamakalawa sa P160 na lamang.

Hindi rin gumalaw ng presyo ng tilapia na nasa pagitan ng P80 hanggang P110 kada kilo.

Bumaba naman ang pinakamurang presyo ng cabbage scorpio mula sa P25 ay naging P22 kada kilo. Ang carrots na mula sa P40 kada kilo ay naging P30 na lamang kada kilo. Ang pulang sibuyas na P50 kada kilo ay bumaba naman sa P45 na lamang habang ang talong na nasa P35 bawat kilo ay naging P30 kada kilo.

Kabilang sa mga palengkeng inikutan ng DA kamakalawa ay ang Pasig City Mega Market, Viajero Market, City Market of Antipolo, Muntinlupa Public Market, South Station, New C.I Market, KADIWA Center, Marikina Market Zone, Marikina Public Market, Pritil Market, Commonwealth Market, Maypajo Market, Rublou Market (Greenland at Floodway), Meycauayan Market, Mega–Q Mart, Carmona Public Market, Pasay Public Market, Bacoor Public Market at Oreintal Market Balintawak. Robert C. Ticzon

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply