Presyo ng LPG ibinaba, fuel prices tataas

MAS mababa na ng 40 sentimos kada kilo ang liquefied petroleum gas (LPG) products ng dalawang higanteng kumpanya simula umaga ng Martes.

Aabot sa P4.40 kada 11-kilong tangke ng LPG ang ibinaba ng presyo ng mga LPG ng Pilipinas Shell at Petron Corp.

Nabatid na hindi naman agad susunod dito ang LPG Marketers Association (LPGMA), na nagsabing posibleng sa katapusan pa ng Enero o umpisa ng Pebrero sila magpapatupad ng rollback.

Ayon kay LPGMA president Rep. Arnel Ty, mas mababa pa rin umano ang presyo ng kanilang itinitinda kumpara sa mga produkto ng Shell at Petron.

Kasalukuyan umanong nasa pagitan ng P680-P720 ang presyo ng kada 11-kilong tangke na ibinibenta ng kanilang mga miyembro kumpara sa P744 kada tangke ng Shell at Petron.

Nakatakda pa umanong bumaba ang presyo ng LPG sa pandaigdigang merkado sa Pebrero, pero kung mapapaaga ito ngayong Enero ay agad na nilang ipatutupad ang kanilang rollback sa katapusan ng buwan.

Samantala, nakaambang tumaas ang presyo ng ibang produktong petrolyo sa mga susunod na araw bunga ng pagsipa ng presyo ng krudo sa world market. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply