QCPD blangko pa rin sa pagkawala ng anak ni Atty. Lozano

PALAISIPAN pa rin sa  Quezon City Police ang  pagkawala ng anak ng abogadong si Oliver Lozano sa kabila ng pagkakatagpo sa bangkay ng driver nito kamakailan.

Ayon kay QCPD director Chief Superintendent Benjardi Mantele, sa kasalukuyan, wala pa silang lead o suspect sa likod ng pagkawala ni Emerson Lozano, 44.

Hindi rin nila anya masasabing dinukot o kinidnap ang biktima dahil wala pa ring impormasyong nakakalap ang kanilang tanggapan kaugnay dito.

Ayon pa sa opisyal, maging ang footage na nakuha mula sa close-circuit television monitor sa Shell gas station sa Barangay Old Balara, kung saan si Lozano ay nakipagkita sa sinasabing kliyente nito ay walang nakita kung may naganap na pagdukot sa lugar.

Bukod dito, giit ni Mantele, wala rin aniyang nakitang komosyon sa lugar nang oras na naroon sa lugar si Lozano.

Sa ngayon, iniimbestigahan nila ang insidente bilang kaso ng pagkawala at patuloy na hahanapin nila si Lozano o sinumang testigong maaaring makapagturo sa kinaroonan nito at magbigay giya para mahanap ang biktima.

Ang batang Lozano ay isang negosyante ng buy-and-sell, iniulat na nakipagtagpo sa buyer ng kanyang Kia Carnival van sa nabanggit na gas station nitong Miyerkules kasama ang driver na si Ernane Sensil.

Matapos nito, ang dalawa ay hindi na nakita ng kanilang pamilya dahilan para maalerto ang kanilang kamag-anak at ipagbigay alam iyon sa pulisya.

Sumunod na araw ay natagpuan naman ang walang buhay na katawan ni Sensil sa may Barangay Matayumtayum, Lapaz, Tarlac.

Ayon sa pulisya, si Sensil ay may tama ng bala ng baril sa noo at ang katawan nito ay sinunog pa ng hindi matukoy na salarin. James de Jesus

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply