Radio stations kinastigo sa hindi pagsasaere ng OPM songs

IPINASISIYASAT nina Cagayan de Oro City Rep. Rufus B. Rodriguez at Abante Mindanao Party-list Rep. Maximo B. Rodriguez sa House Committee on Information and Communications Technology ang hindi pagsunod ng ilang istasyon ng radyo sa Executive Order 255 na nagsusulong sa mga orihinal na Pilipinong awitin o original Pilipino music(OPM).

Sa inihaing House Resolution 247, ibinunyag ng mga mambabatas ang paglabag ng mga istasyon ng radyo sa EO 255 na naglalagay sa lokal na industriya ng musika sa balag ng alanganin.

“Maging si Pangulong Benigno C. Aquino III ay nakapansin sa paglabag na ito ng mga istasyon ng radyo”, ani Rodriguez.

Nais ng magkapatid na Rodriguez na ipatawag ng Kamara ang mga opisyal ng National Telecommunications Commission, mga samahan ng istasyon ng radyo at telebisyon, at ang Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-aawit (OPM) upang pagpaliwanagin sa nasabing isyu.

Ang EO 255 ay ipinatupad noong Hulyo 25, 1987 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino na nag-uutos sa lahat ng istasyon ng radyo na magpatugtog ng hindi bababa sa apat na orihinal na musikang Pilipino kada oras.

Sa ilalim ng kautusan, ang sinumang hindi susunod sa mga probisyon ng EO 255 ay pagmumultahin ng P100 sa bawa’t paglabag. Bukod dito, kapag napatunayan ng NTC sa pagdinig ang bigat ng paglabag ay maaari nitong isuspindi o tuluyang ikansela ang Certificate of Registration o permiso upang makapagsahimpapawid ang isang istasyon ng radyo. Meliza Maluntag

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply