Rehistradong sim card sa harap ng mga iskalawag at kriminal

MULING binuhay ng ilang mambabatas ang panukalang irehistro ang mga binibiling sim card ng mga selpon.

Itinulak ang panukala  ng pambobomba sa Makati City na kung saan selpon ang ginamit para sumabog ang bomba.

Ikinakabit ang selpon sa bahagi ng bomba na kung mag-ring ay tiyak na sasabog.

Dahil sa limang namatay at 13 na nasugatan, biglang naisip na rin umano ng mga mambabatas na makikilala ang mga suspek sa mga pambobomba sa mga bus, mall at iba pa kung makukuha ang sim card.

Maganda ang panukala.

Kaya lang, dapat na pag-aralan ito ng husto at malalim.

oOo

Heto, Suki, ang isang kuwento ukol sa sim card.

May isang kapitan at isang kagawad ng barangay sa Bulacan na tumawag sa pulisya gamit ang selpon laban sa isang lokal na druglord.

Tinanggap naman ang tawag at inalam ng pulisya kung sino siya.

Pero makaraan ang isang oras, nagkaroon na siya ng death threat.
Paano nalaman ng druglord ang kanyang number, huh?

O yung mga pulis ba ang mismong druglord o kaya’y kasosyo o kasabwat ng druglord?

Mula noon, sunod-sunod na ang death threats nina kap at kagawad maging sa mga sumunod na araw.

Ang masama, simula sa gabing iyon, tahol na nang tahol ang alagang aso ni kap sa gabi.

May umaali-aligid sa kanilang bahay na hindi niya malaman kung sino.

Dahil sa pangyayari, hindi na niya inulit ang magsumbong sa pulis laban sa mga druglord sa lugar. Hindi na rin siya kumandidato nitong nakaraang halalan.

Nangangamba na rin siya na baka isang araw ay makidnap for ransom o may sumunog ng buhay sa isa o dalawa sa kanyang mga anak sa kanyang misis.

Ganito rin ang kuwento ni kagawad.

Todo sisi sila sa pagsusumbong nang inkognito o hindi sana pagpapakilala sa paniniwalang aaksyonan ng mga awtoridad ang kanilang sumbong.

Tanong, Suki: gusto mo bang mairehistro ang iyong sim card?

oOo

Dapat talagang pag-usapan nang husto ang usaping pagrerehistro ng sim card.

Dapat na unahing linisin ang pamahalaan sa mga korap, mandarambong, protektor ng mga kriminal at iba pa.

Bakit?

Paano isusumbong ang mga ito sa pamamagitan ng selpon kung bukas sa kanila ang sim card ng mga nagsusumbong?

Hangga’t hindi nalilinis ang gobyerno sa mga kriminal, delikado si Juan sa rehistradong sim card.

oOo

Isa pa sa problema ng rehistradong sim card ang kakayanang umalam  ng mga kriminal na nasa gobyerno at sindikatong kasabwat nila sa kung saan ka matatagpuan.

May traker na ang mga selpon at saan ka man magtago, malalaman at malalaman nila kung nasaan ka at pupuwede ka nang patayin at sunugin ng buhay.

Itong mga senador at kongresman, Suki, ay walang problema sa pakikipaglaban sa mga iskalawag at kriminal dahil may mga badigard sila.

Paano si Juan na gusto lang tumulong PNoy laban sa mga korap at iskalawag?

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply