Rice mill owner napikon, binoga ang tauhan

BINARIL ng may-ari ng isang rice mill ang isa sa kanyang mga tauhan nang mapikon sa kakulitan ng biktima habang masayang nag-iinuman sa pagdiriwang ng pagpasok ng Bagong Taon sa Las Pinas City.

Nasa kritikal pang kondisyon sa Perpetual Hospital sanhi ng  tama ng bala ng kalibre .45 baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Ariel Estela, 20 helper at stay-in sa  Lajara Rice Mill Store sa Phase 1, Saint Louie Village, Talon 3 sa naturang lungsod.

Nabawi naman ng mga nagrespondeng pulis ang ginamit na armas subalit hindi na inabutan ng pulisya ang suspek na si Louie Lajara, 30, tubong Batangas na kaagad tumakas makaraan ang pamamaril.

Sa imbestigasyon nina PO3 Ariel Gupana at PO3 Ruel Ibanez ng Station Investigation and Detective Management Section  ng Las Pinas Police, masayang nag-iinuman at nagkakantahan ang mga kawani ng naturang rice mill sa rooftop ng naturang establisimiento sa Saint Louie Village, Talon 3 dakong alas-10:30 ng gabi kamakalawa nang mangyari ang pamamaril.

Batay sa pahayag ng testigong si Philip Mangawang, 34, ng Blk-1 Lot-10 Gujo St., Admiral Village, Talon 3, hindi kaagad umano nila namalayan ang ginawang pamamaril ng kanilang amo sanhi ng malakas na pagpapatugtog ng musika kaya’t nakita na lamang nila na nakahandusay at duguan na ang biktima.

Posibleng napikon umano ang suspek sa kanyang kawani dahil sa pagiging makulit kapag nalalasing kaya’t nagawang barilin ang biktima. Johnny F. Arasga

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply