Sa Beranda Ng Mga Alaala

NAGLALAKBAY ang maghapon at magdamag
sa beranda ng mga alaala
lumalangoy sa dagat ng kamalayan
mga kuwadrong nanlilisik ang larawan
eksena ng pelikulang nagdaraan
sa telon ng balintataw
binibiyak ang bungo ng kaisipan
bakit ganyan? bakit ganyan?
nagnaknak na larawa’y gumigimbal
sa mukha kong natulala’y sumasampal
sa dibdib kong sumisikdo’y tumatambol
sa dugo kong kumukulo’y sumisipol?
sa beranda ng mga alaala
lagi’t laging naroroon
larawang singlungkot ng hubad na bangkay
lansetang matalas sa aking kalamnan
lilok sa utak ko ng tusong eskultor
obra sa mata ko ng gahamang pintor
mga lasog na katawan
dugong nilalanggam
sumabog na utak
brasong buto’t balat
basurang nagkalat
matang lumalim na
pisnging humumpak na
binting hinalas na
paang maalipunga
palad na naglintos
pudpod na sapatos
batang nakahiga sa mga bangketa
batang nakayapak sa mga kalsada
bunsong walang gatas
inang umiiyak
amang nagdarasal
dampang nakaluhod sa mga bakuran
bahay sa esterong gumagapang
batis ng pawis sa noo’t katawan
butong lumagutok sa kasukasuan
abuhing tanawin sa katanghalian
itim na pintura sa mukha ng buwan
mga larawan kang ayaw humiwalay
sa kamalayan kong laging naglalamay!
bakit ganyan? bakit ganyan?
sa giniginaw mang umaga
o gabi ng mga ave maria
sa beranda ng mga alaala
lagi’t laging nakabalandra
ang mga larawang ayaw nang makita
huwag, huwag na akong dalawin pa
huwag, huwag nang itanghal sa mata
mga retratong inulila ng ligaya
mag-aalimpuyo ang dugo sa ugat
magliliyab himaymay ng utak
di gitara ang nais kalbitin
ng daliring pinitpit ng dusa
di kundiman ang nais awitin
tinig na namaos sa laksang protesta!
sa beranda ng mga alaala
ibang larawan na, sana’y maipinta
ng mga pintor ng bagong hustisya
sana’y malilok na, moog ng ligaya
sa dibdib ng lungsod
sa burol at bundok
sa tigang na bukid
at lupang nabaog
sa beranda ng mga alaala
delubyo ang hinihintay
daluyong ng dugo sa mga palasyo
hagupit ng kidlat sa mga impakto
lagablab ng apoy sa mga demonyo
saka lamang, saka lamang
matutupok, maglalaho
sa beranda ng mga alaala
ang mga larawang ayaw nang makita! Rogelio Ordonez

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply