Sahod ng LRTA officials ipinalalantad

HINAMON ng isang kongresista ang mga direktor at pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na ilahad sa publiko ang kabuuan ng kanilang tinatanggap na kompensasyon at iba pang benepisyo sa gitna ng  desisyon ukol sa 100 porsiyentong pagtataas ng pamasahe sa LRT at MRT.

Sinabi ni House Deputy Majority Leader Roman Romulo na makatarungan lamang para sa publiko na malaman kung magkano ang ibinabayad ng gobyerno o sahod ng mga board members ng LRTA maging ang mga opisyal nito.

Ayon sa mambabatas kung hindi man tumatanggap ng karagdagang kompensasyon ang mga gabinete na nasa  LRTA board dahil sinasahuran naman sila sa kani-kanilang departamento ay marapat lamang na ipaalam ito sa taumbayan.

Ang LRTA ay binubuo ng siyam board members kabilang ang limang ex-officio Cabinet members–ang kalihim ng Department of Transportation and Communications, Department of Public Works and Highways, Department of Finance, Department of Budget and Management, at National Economic Development Authority.

At ang nalalabing apat ay ang chairmen ng Metro Manila Development Authority at Land Transportation Franchising and Regulatory Board, ang administrador ng LRTA at isang kinatawan mula sa pribadong sektor.

Magiging epektibo ang bagong pamasahe ng LRT at MRT sa March 1, batay na rin sa pag-aapruba ng LRTA.

Ang mga pasahero sa kahabaan ng 17-kilometer EDSA railway ay magbabayad ng minimum na pamasahe ng P15 mula sa dating P10, at P30 mula naman sa dating P15 mula sa Monumento hanggang Tave Avenue.

Halos ganito rin ang magiging sitwasyon sa may 15-kilometer LRT Line 1 mula Baclaran sa Pasay City hanggang sa Roosevelt Avenue sa Caloocan City at sa 13.8-kilometer LRT Line 2 mula naman sa Marcos Highway sa Santolan, Pasig City hanggang sa Recto Avenue sa Manila. Meliza Maluntag

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply