Saludo kay Dado

AYOKO ng senti-senti.  Kaya’t kahit ayaw bitawan ni Dado ang braso ko, hindi ako naging emosyonal. Nakokornihan ako sa senti-senti.

“Pare, maraming salamat, ha? Hinding-hindi ko makakalimutan ang ginagawa mo para sa akin,” aniya. Ngiti lang ako.

Ang tinutukoy ni Dado ay ang pagdalaw sa kanya ng halos 20 ka-batch namin sa high school ng Dr. Yanga-Francisco Balagtas Colleges sa Bocaue, Bulacan. Ako kasi ang nag-aya sa kanila.

Sa isip ng mga kabilang sa aming Batch ‘79-‘80, si Diosdado dela Cruz ay ang aming matipuno, astig pero napakabait na corps commander.

Pumayat na si Dado. Bumagsak ang katawan dahil sa kanser na iniinda. May malaki siyang bukol sa kaliwang parte ng leeg at may maliliit na iba pa sa iba’t ibang parte ng katawan.

“Hinding-hindi kita malilimutan, Pare,” ulit niya hawak ang aking braso at nakatitig sa mga mata ko. “Kaya’t ‘pag nawala na ako, babalikan kita.”

“Ngek! Pwede ba kalimutan mo na lang ako?” sagot ko.

Salamat at siya na rin ang bumuwag sa korni at awkward na “senti” moment na ‘yun.

Flashback tayo ng isang linggo, ‘yung dalaw namin kay Dado bago itong pinakahuli. Umiiyak ang mga kaklase naming babae, si Malou at si Dado mismo.

Sobra na raw ang sakit na nararamdaman niya. Hindi na siya halos makabangon. Mahina ang kanyang boses.

“Magpapaalam na ako sa inyo,” aniya.

Halos sabay-sabay ang tumutol ng mga bisita.

“Kaya mo ‘yan, Dado. ‘Wag kang susuko. Kailangan ka ng batch!” sabi ni Mercy, isa sa mga officer ni Dado sa CAT.

Noong nakaraang Sabado, Masaya kami dahil ibang Dado ang tumambad sa amin.

Mas mataba-taba na siya. Iba na ang aura niya. Madali na rin siyang ngumiti at tumawa. Naglakad pa si Dado patungo sa kanyang wheelchair, nagpunta sa labas ng bahay at nakipagkwentuhan at nakipagkodakan sa mga dating kaklase.

Game na game pa siyang sumalang sa video upang magpasalamat sa mga kaklaseng sumusuporta sa kanya.

Sabi ni Malou, noon lang uli nagpakita ng kasiglahan si Dado matapos ang maraming araw.

Nagpapaalam na kami nang hawakan ako sa braso ni Dado at nagpasalamat sa akin.

“Wala ‘yun, Pare. Next week babalik kami at manggugulo uli,” sabi ko.

Pagdating ko sa bahay, nakita kong nasa facebook na ang video ni Dado. Salamat daw sa lahat.

Matapos mapanood ang video, nagsimula akong magsulat ng mensahe ng personal na mensahe kay Dado.

“Pare, ang saya ng batch natin. At ikaw ang parating humihila sa amin para magkaisa at magkasama-sama. Kahit ngayong may sakit ka, ikaw pa rin ang nagba-bond sa amin. Kaya kayanin mo ang pagsubok na pinagdadaanan mo dahil kailangan ka ng batch. Miracles happen everyday, and it will happen to you, Pare. God is good.”

Senti na kung senti. Masisi n’yo ba ako?

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply